top of page

Batas sa retirement pay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 10, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 10, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay namamasukan bilang security guard simula noong ako ay 25 years old pa lamang. Ganitong trabaho na ang aking kinatandaan bagama’t ako ay palipat-lipat ng agency kung saan ako nagtrabaho. Naka-dalawang taon pa lamang ako sa kasalukuyan kong agency, at ako ay malapit nang mag-60 years old. Nais ko lamang malaman kung ako ay kuwalipikadong makatanggap ng retirement benefits sa kasalukuyan kong agency? — Leonardo



Dear Leonardo, 


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 302 ng ating Labor Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:


“Article 302. Retirement. – Any employee may be retired upon reaching the retirement age established in the collective bargaining agreement or other applicable employment contract.

In case of retirement, the employee shall be entitled to receive such retirement benefits as he may have earned under existing laws and any collective bargaining agreement and other agreements: Provided, however, That an employee’s retirement benefits under any collective bargaining and other agreements shall not be less than those provided herein.

In the absence of a retirement plan or agreement providing for retirement benefits of employees in the establishment, an employee upon reaching the age of sixty (60) years or more, but not beyond sixty-five (65) years which is hereby declared the compulsory retirement age, who has served at least five (5) years in the said establishment, may retire and shall be entitled to retirement pay equivalent to at least one-half (1/2) month salary for every year of service, a fraction of at least six (6) months-being considered as one (1) whole year. xxx”


Malinaw na nakasaad sa batas na makakukuha ang isang empleyado ng kanyang retirement pay sang-ayon sa kanilang kasunduan ng kanyang employer, na karaniwang nakasaad sa collective bargaining agreement (CBA) o retirement plan.


Kung sakaling walang CBA o retirement plan na sinusundan ang inyong agency, ang susundin na mga patakaran ukol sa retirement pay ay naaayon sa nasabing probisyon ng Labor Code.  Sang-ayon dito, ang isang empleyado na umabot sa retirement age na 60 years old, ngunit hindi lalagpas sa 65 years old, na nakapagsilbi sa kumpanya ng hindi bababa sa limang taon, ay maaaring magretiro at tumanggap ng retirement pay na katumbas ng kalahating buwang sahod kada taon ng serbisyong kanyang itinagal sa kumpanya.


Sa iyong sitwasyon, iyong naisaad na wala ka pa sa edad na 60 at kasalukuyang nagtatrabaho sa agency ng dalawang taon pa lamang. Ibig sabihin, maaari kang magkaroon ng karapatan sa retirement pay kung magtatrabaho ka pa ng tatlong taon sa kasalukuyan mong agency upang makumpleto ang serbisyo na hindi bababa sa limang taon. Tandaan lamang na kailangan mong makumpleto ang limang taong serbisyo bago ka umabot sa edad na 65 alinsunod sa nasabing batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page