Batas para sa seguridad at proteksyon sa paglalakbay ng mga bata
- BULGAR
- Aug 27, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 27, 2023
Tungkulin ng estado na pangalagaan ang bawat manlalakbay at sumasakay sa mga sasakyan, pribado man ito o pampubliko. Kaya naman may mga batas na isinagawa ang Kongreso upang bigyan ng proteksyon ang mga mananakay. Isa rito ang Republic Act No. 11229 o mas kilala sa pinaiksing titulo na “Child Safety in Motor Vehicles Act”.
Nakasaad sa polisiya ng nabanggit na batas na kinakailangang pasiguruhan ang kaligtasan ng mga bata habang sila ay inilalakbay sa pamamagitan ng kahit na anong klase ng behikulo o sasakyan.
Kinikilala rin ng estado ang karapatan ng mga bata na mabigyan nang sapat na tulong kabilang na ang pagbibigay ng tamang kalinga at espesyal na proteksyon laban sa lahat ng uri ng kapabayaan, pang-aabuso at anumang kondisyon na maaaring makasira sa kanilang paglaki, maging ang mailagay sila sa panganib habang sila ay nakasakay sa sasakyan.
Upang pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata, at maiwasan ang anumang aksidente na may kinalaman sa trapiko na maaaring magbunga ng kamatayan o pinsala sa isang bata, kailangan na mayroong sapat at epektibong regulasyon ang estado at bigyan ng impormasyon ang publiko na kinakailangan na gumamit ng child restraint system sa mga sasakyan na sasang-ayon sa international standards na tanggap ng United Nations.
Sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 11229, ang mga bata na hanggang 12 taong gulang at mas maliit sa 150 sentimetro o 59 pulgada (4 talampakan at 11 pulgada) ay kailangan mai-strap sa child restraint system (CRS) o mga protective car seat habang nasa biyahe.
Ayon sa Seksyon 4 ng nabanggit na batas, labag sa batas para sa isang drayber na hindi pasisiguruhang-bigyan ng seguridad ang batang nakasakay sa kanyang sasakyan at may gamit na child restraint system, maliban na lamang kung ang bata ay may edad na 12 at tangkad na 150 sentimetro o 59 pulgada (4 talampakan at 11 pulgada), at siya ay may gamit na maayos na seat belt.
Ang child restraint system ay hindi kailangang gamitin kapag ang paggamit nito ay lalong maglalagay sa bata sa kapahamakan, katulad na lang kung mayroong:
1. Medical emergencies;
2. Kapag ang batang ibinabiyahe ay mayroong medical o developmental na kondisyon;
3. Iba pang katulad na kadahilanan ayon sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas.
Nagtalaga ang batas ng kaparusahan sa sinumang lalabag sa probisyon nito katulad ng mga sumusunod:
a. Sinumang drayber na lumabag sa Sections 4 at 5 ay magbabayad ng multa na ₱1,000.00 para sa unang paglabag; ₱2,000.00 para sa pangalawa; ₱5,000.00 at suspensyon ng driver’s license ng isang taon para sa pangatlo at susunod pang paglabag.
b. Sinumang manufacturer, distributor, importer, retailer, at nagtitinda na lalabag sa Sections 6 at 7 ay mapaparusahan na magbayad ng multa na hindi bababa sa ₱50,000.00 subalit hindi hihigit sa ₱100,000.00 sa bawat child restraint system product na ginawa, ibinahagi, inimporta o ibinenta. Ito ay dagdag pa sa anumang kaparusahan na iginagawad ng Republic Act No. 7394 o ang “Consumer Act of the Philippines”.
c. Sinumang driver na papayag na gumamit ng substandard, expired na child restraint system o walang PS mark o ICC sticker at certificate ay magbabayad ng multa na ₱1,000.00 para sa unang paglabag; ₱3,000.00 para sa pangalawa; at ₱5,000.00 at suspension ng driver’s license nang 1 taon para sa pangatlo at susunod pang paglabag.
d. Anumang pagbabago, panggagaya, at pamemeke ng PS mark o ICC sticker sa child restraint system ay pinaparusahan ng pagbabayad ng multa na hindi bababa sa ₱50,000.00 subalit hindi hihigit sa ₱100,000.00, para sa bawat child restraint system product. Ito ay dagdag pa sa parusa sa ilalim ng RA 7394.
Kaugnay nito, ang Department of Transportation (DOTr) ay binibigyan ng kapangyarihan na taasan ang halaga ng multa nang hindi hihigit sa 10%, isang beses kada 5 taon.
Kailangan lamang na mailimbag ang gagawing pagtaas ng multa.








Comments