top of page

Batas para masugpo ang online scam, suportahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 10
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 10, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahon na digital na ang pagnanakaw online, hindi na sapat ang simpleng paalala lamang kapag ang mga scammer ay tila mas mabilis pa sa internet sa paggawa ng bagong modus. 


Kaya’t makatuwiran ang panukala na inihain ni Senador Mark Villar na lumikha ng Philippine Scam Prevention Center (PSPC) — isang tanggapang tututok sa mga reklamo at biktima ng panloloko online. 


Sa ilalim ng isinusulong na batas, ang PSPC ay magiging lead agency ng gobyerno sa pagtugon sa mga kaso ng online financial scams at digital fraud. Ito ay itatatag sa ilalim ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at makikipagtulungan sa mga ahensya gaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Telecommunications Commission (NTC), National Privacy Commission (NPC), at maging sa mga pribadong sektor tulad ng mga bangko, telcos, at e-commerce platforms. Aniya, ang hakbang na ito ay kasunod ng matagumpay na pagpasa ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) noong 19th Congress, na layong protektahan ang publiko laban sa mga scammer na patuloy ang panlilinlang gamit ang teknolohiya. 


Sa bagong panukala, PSPC ang magiging katuwang sa pagpapatupad ng AFASA at Cybercrime Prevention Act of 2012, upang mas mapabilis ang pagsasampa ng kaso ng mga biktima at pagwasak sa scam networks. 


Plano rin na magbukas ng mga regional at local PSPC offices upang gawing mas mabilis ang pagreklamo at pagtugon sa mga kaso saanmang sulok ng bansa. 


Ayon kay Villar, ang pagkakaroon ng iisang center para sa lahat ng biktima ay hindi lang magbibigay proteksyon kundi magpapatibay din sa digital economy sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa online na transaksyon. 


Marahil sa panahon ngayon na kahit simpleng GCash o online shopping ay may banta at pag-usbong ng panganib, ang bawat hakbang patungo sa sistematikong proteksyon ay dapat suportahan. 


Gayunpaman, ang edukasyon, aksyon, at agarang tugon mula sa gobyerno ang tunay na solusyon. ‘Wag nating hayaan na ang kawalan ng batas ay maging dahilan kung bakit patuloy tayong nabibiktima. Alalahanin din na hindi lang ito tungkol sa pera — ito’y tungkol sa dignidad at seguridad ng bawat Pilipino.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page