Batas kaugnay sa smoking area sa establisimyento
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 11, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking pamilya ay naghahanap ng malilipatang tirahan sa mga bagong tayong condominium sa aming siyudad. Isa-isa naming binibisita ang mga gusaling ito upang tingnan at siyasatin ang mga pasilidad. Isa sa mga tinitingnan namin sa pagpili ay ang mga itinalagang lugar ng paninigarilyo ng mga nakatira rito. Ito ay dahil may sakit sa baga ang isa sa mga anak ko, kaya nais sana namin ay iyong may hiwalay at nakatalagang lugar para sa paninigarilyo upang masiguradong hindi kami magiging malapit sa usok ng sigarilyo. Napansin namin sa pagtatanong sa mga developer ng condominium na paiba-iba ang mga disenyo ng lugar ng paninigarilyo sa kanilang mga gusali. Ang sabi nila ay alinsunod naman sa batas ang disenyo ng kanilang mga itinalagang lugar ng paninigarilyo. Dahil dito ay minabuti namin na itanong sa inyong tanggapan kung ano ba ang sinasabi ng batas sa tamang pamantayan ng mga lugar ng paninigarilyo sa mga gusali. Sana ay mapayuhan ninyo kami. Maraming salamat! - Roderick
Dear Roderick,
Bilang tugon sa iyong katanungan, ang tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas ay naglabas ng Executive Order No. 26 (E.O. 26) noong 2017 na pinamagatang “Providing for the Establishment of Smoke-Free Environment in Public and Enclosed Spaces”. Inilabas ang kautusang ito alinsunod sa patakaran ng Estado na siguraduhin ang pagtamasa ng bawat mamamayan sa malinis na hangin at pagsulong sa karapatang pangkalusugan, pati ang pagkintal sa kamalayan ng malusog na pamumuhay.
Kaugnay sa iyong inaalalang tamang lugar ng paninigarilyo o Designated Smoking Areas (DSA), mabuting malaman na pinangangahulugan ng kautusang ito ang mga DSA bilang mga lugar sa gusali, kung saan pinahihintulutan ang paninigarilyo sa mga bukas na lugar o open space o hindi kaya'y sa mga hiwalay na lugar na may sapat na daluyan ng hangin na itinayo alinsunod sa mga itinatakdang tiyak na mga pamantayan para rito. (Sec 1.b) Ayon sa kautusan ng batas, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga saradong pampublikong lugar maliban sa mga nabanggit na DSA na sumusunod sa pamantayan ng batas. (Sec. 3.a)
Para maituring na tama ang pagkakagawa ng mga DSA ay inilalahad sa Section 4 ng E.O. 26 na kinakailangang tiyak na naaayon ang anyo, puwesto, sukat at daluyan ng hangin ng mga ito sa mga sumusunod na panuntunan:
“1.There shall be no opening that will allow air to escape from the DSA to the smoke-free area of the building or conveyance, except for a single door equipped with an automatic door closer, provided that, if the DSA is not located in an open space, such door shall open directly toward sa Non-Smoking Buffer Zone (Buffer Zone) as defined in this Order; 2. The DSA shall not be located in or within then (10) meters from entrances, exits, or any place where people pass or congregate, or in front of air intake ducts;
3. The combined area of the DSA and the Buffer Zone shall not be larger than 20% of the total floor area of the building or conveyance, provided that in no case shall such area be less than 10 (10) square meters;
4. No building or conveyance shall have more than one DSA;
5. The ventilation system for the DSA other than in an open space and for the Buffer Zone shall be independent of all ventilation systems servicing the rest of the building or conveyance;
xxx”
Dagdag pa rito, ipinag-uutos din ng batas na ang mga menor de-edad ay hindi papayagang makapasok sa loob ng mga DSA at sa mga kaakibat na Buffer Zone nito. Kinakailangan din na may karatulang “Smoking Area” na lubos na nakikita na may kasamang larawang nagbibigay ng pangkalusugang babala sa paggamit ng tabako. (Sec. 4(6) & (7)) Hindi rin maaaring magtayo ng DSA malapit sa mga lugar na ginagalawan ng mga kabataan, kabilang ang mga palaruan, elevator, hagdanan, lugar na pinaghahandaan ng pagkain, lugar na may panganib ng sunog, at sa mga malapit sa medikal na pasilidad. (Ibid)
Makikita sa mga nabanggit na panuntunan na tiyak at mahigpit ang batas sa kung paano at saan maaaring maglagay ng mga DSA sa mga gusali upang masigurado ang kaligtasan ng publiko laban sa panganib ng paninigarilyo. Nawa ay maging gabay ninyo ang mga alituntunin ng batas tungkol sa mga DSA sa pagpili ng inyong lilipatang condominium.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments