Batas kaugnay sa pag-angkas sa motorsiklo ng bata
- BULGAR
- Aug 27, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 27, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagmamaneho ng motorsiklo habang angkas ang aking 10-anyos na anak papunta sa mall sa EDSA noong nakaraang linggo. Sa kasamaang palad, kami ay hinuli ng traffic enforcer dahil bawal diumano po magsakay ng bata sa motorsiklo. Dahil dito, nais kong malaman kung may naging violation ba ako? Maraming salamat. - Ivy
Dear Ivy,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act No. 10666, na kilala bilang “Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015”, na nagsasaad na:
“SEC. 4. Prohibition. – It shall be unlawful for any person to drive a two (2)-wheeled motorcycle with a child on board on public roads where there is heavy volume of vehicles, there is a high density of fast moving vehicles or where a speed limit of more than 60/kph is imposed, unless:
(a) The child passenger can comfortably reach his/her feet on the standard foot peg of the motorcycle;
(b) The child’s arms can reach around and grasp the waist of the motorcycle rider; and
(c) The child is wearing a standard protective helmet referred to under Republic Act No. 10054, otherwise known the ‘Motorcycle Helmet Act of 2009.’”
Ayon sa nasabing probisyon na batas, ikaw ay maaaring may nagawang violation dahil ipinagbabawal na mag-angkas ng bata sa motorsiklo kung dadaan sa pampublikong kalsada, kung saan may mabigat na daloy ng trapiko, may maraming mabibilis na sasakyan o may speed limit na higit sa 60/kph. Ang EDSA ay isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Maituturing ito na pampublikong daan na may mabigat na daloy ng sasakyan at maraming mabibilis na sasakyan.
Gayunman, may exception sa nasabing batas, kung saan ang isang bata ay maaari pa ring iangkas sa motorsiklo sa gayung sitwasyon kung: 1) komportableng naaabot ng paa ng bata ang apakan ng motorsiklo; 2) kaya ng bata na yumakap sa baywang ng nagpapatakbo ng motorsiklo, at; 3) nakasuot ang bata ng akmang proteksyon sa kanyang ulo. Lahat ng tatlong kondisyon ay dapat matupad para payagan ang bata na umangkas sa motorsiklo sa gayung mga uri ng pampublikong daan. Kung nasunod mo ang mga nasabing kondisyon, hindi mo nalabag ang probisyon ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments