Bata at matanda, sapol ng COVID-19, nakakabahala!
ni Ryan Sison - @Boses | January 08, 2021
Sa kalagitnaan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo, dagsa na ang mga pasyente sa iba’t ibang ospital.
Halimbawa na lamang ng Sta. Ana Hospital sa Maynila, kung saan tinatayang nasa 60% hanggang 70% ng kanilang nate-test ang nagpopositibo sa COVID-19, habang 112 COVID-19 patients naman na may comorbidity ang kasalukuyang naka-admit dito.
Ayon sa opisyal ng ospital, 75% ang kanilang total bed occupancy at hindi na kakayaning mag-admit pa ng mas maraming pasyente, lalo pa’t pami-pamilya na ang isinusugod sa kanilang ospital at mas marami na umanong bata na naa-admit ngayon.
Gayunman, parehas na sitwasyon ang hinaharap ng Rizal Medical Center sa Pasig City.
Giit ng opisyal sa RMC, kadalasang nangyayari ay unang nagkakasakit ang isang miyembro ng pamilya at inaakalang trangkaso lamang. Gayundin, umaabot ng dalawa hanggang tatlong araw nang nakararamdam ng sintomas, ngunit hindi pa rin nagpapatingin.
Kaya paalala ng mga eksperto, ‘wag maliitin ang mga sintomas, lalo na’t ang sintomas ng trangkaso ay pareho lamang sa COVID-19, at oras na makaramdam, simulan nang mag-isolate.
Sa totoo lang, nakababahala ang patuloy na pagsipa ng COVID-19 cases at ang masaklap pa, pami-pamilya na ang tinatamaan ng sakit. Ibig sabihin, matanda o bata man, talagang hindi nakaliligtas sa COVID.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng mga doktor na mag-ingat upang hindi na maulit ang pagdagsa ng mga naoospital tulad ng mga nakaraang surge.
Habang tinitiyak nating natutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente, hangad nating maagapan ang sitwasyon upang maiwasan ang malalang surge.
‘Yun nga lang, kailangan natin ang kooperasyon ng lahat kaya utang na loob, makiisa tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments