Basta raw magkakatulungan sila… LOISA, OKS LANG MAKIPAG-LIVE-IN KAY RONNIE
ni Julie Bonifacio - @Winner | May 29, 2022

Nakaranas din pala ng depresyon ang on-and-off screen partner na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte nitong pandemic. Kabilang sila sa mga naapektuhan ng pandemya, na sinundan ng pagkaka-deny sa renewal ng franchise ng ABS-CBN.
“Actually, nu’ng pandemic, as in pasuko na ako. Ayoko nang mag-artista. Parang nawalan na ako ng hope. Parang feeling ko, wala nang nagmamahal sa akin nu’ng pandemic. Pero, sobrang happy ko nu’ng ibinigay sa amin itong Love in 40 Days, doon ko na-feel na mahal ko pala itong ginagawa ko dahil din sa tulong ng mga seasoned actors na kasama namin, pati directors. Sobrang grateful ko kasi hindi nila ako pinabayaan,” pag-amin ni Loisa.
Nakausap namin si Loisa pati na rin ang boyfriend at leading man niya sa Love in 40 Days ng Dreamscape Entertainment after ng special screening at mediacon ng pinakabagong teleserye ng ABS-CBN na magsisimula nang mapanood sa Lunes, May 30, sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5 at TFC.
Sa social media accounts ni Loisa ay may hugot ang post niya sa pagiging breadwinner ng kanyang pamilya. Pangatlo sa apat na magkakapatid si Loisa.
“Hirap, eh,” sambit niya kung bakit siya nag-post sa pagiging breadwinner.
“Kasi nu’ng pandemic, nagsara ‘yung ABS. Wala kang kuhaan ng source of income para sa family mo. May pinag-aaral ako, college, mga high school, ganyan. Hindi ko kayang ipakita sa kanila na wala nang work.
“So, talagang parang ako ‘yung tatay at nanay ng pamilya na hindi ko kailangang ipakita sa kanila na parang nahihirapan na ako. Parang wala na. (Pero) Sila rin ‘yung nagbigay sa akin ng lakas ng loob na kaya ako nandito, para sa kanila.
“Kasi, kung iisipin ko lang, nandito ako para sa sarili ko, nag-artista ako para sa sarili ko, walang mangyayari. Pero ito, ginagawa ko para sa family, sa mga fans na naniniwala rin talaga sa akin.”
Pati raw ang kanyang Loisalon beauty salon ay naapektuhan nitong pandemic. Kaya naman inamin ni Loisa ang pinagdaanang depresyon that time.
“Wala na ‘yung Loisalon ko kasi nu’ng pandemic, isa pa ‘yun. Kaya sobrang stress kasi mga business talaga, talagang nag-close. Kaya, mahirap. Talagang challenging ‘yung pandemic para sa akin. As in, umabot sa point na alam mo ‘yung nangangayayat ako before, ‘yung sobrang payat ko. Lately ko lang na-realize na, ‘Ay, depresyon pala ‘yun.’ ‘Yun ang nangyari sa akin kaya ako pumayat nang ganoon.”
Buti na lang daw at nand’yan din ang boyfriend niyang si Ronnie noong dumadaan siya sa depresyon.
“Magkasama kami. Actually, same situation kami. As in, ang hirap. Mahirap po talaga pero suwerte ako, suwerte si Ronnie kasi narito kami para sa isa’t isa para mag-guide, magpalakas ng loob. Kasi sabi ko, kung wala si Ronnie, baka hindi ko talaga kakayanin,” pahayag ni Loisa.
Pero dahil madalas daw na nakikitang magkasama sina Ronnie at Loisa sa kanilang mga posts sa socmed, pinagdudahan ng mga netizens na nagli-live-in na raw sila.
“Actually, may isyung ganu'n. Kasi, magkalapit lang ‘yung bahay namin, as in 15 minutes away. Cavite siya, Laguna lang ako. Parang, ‘Beh, kailangan ko ng kausap,’ sabi niya. ‘Usap tayo.’ So, ang dali lang magpunta. Piktyur-piktyur kami. Hindi ko alam na ang isyu pala, live-in na. Pero ako naman, as long as alam ko naman, hindi ganyan, okey kami. Hindi ko na pinapatulan. Kagaya ng sabi ni Ronnie, ‘yung mga ipino-post namin sa social media, nakikita ng mga tao, lahat ‘yun, totoo,” esplika ni Loisa.
When asked kung open ba siya sa idea of living-in with her boyfriend, heto ang sagot ni Loisa.
“Puwede naman. Pero kasi, depende, eh. Depende sa family mo kung paano ka pagkakatiwalaan and, basta alam mo rin ‘yung priority mo na hindi mo pababayaan ang family mo, I think wala namang masama sa ganu'n. Kasi ‘di ba, ang dami na ring nakikita na mga vloggers na live-in sila, pero nagtutulungan sila para mag-grow.”
To the rescue naman si Ronnie kay Loisa sa isyu ng living-in. Nasa tabi lang din kasi ng kanyang girlfriend ang aktor habang iniinterbyu namin after ng special screening and mediacon ng Love in 40 Days.
“Lagi na lang ganyan ‘yung isyu sa amin, eh. Saka masaya kami. Lagi kaming magkasama and siyempre, meron kaming aso na, may mga babies kami na kailangan lagi kaming nakikita. Natawa na lang ako sa isyu. Saka sabi namin ni Loisa, kung ano ‘yung mga lumabas na isyu, huwag na tayong makisali,” depensa ni Ronnie.
Isa pang isyu na binigyang-linaw nina Ronnie at Loisa ay tungkol sa tsikang may offer sa kanila to transfer sa ibang TV network.
“Yes, hindi naman namin itatanggi ‘yun. Nag-o-offer naman sila pero hanggang offer lang. Siyempre, at the end of the day, nandito kami sa ABS, may bagong show. Binigyan kami ng oportunidad na makagawa ng ganito kalaking teleserye kaya happy,” lahad ni Ronnie.
Pero hanggang alok lang daw ‘yun at never umusad.
Paliwanag ni Loisa, “May mga offers pero siyempre, dahil sa ABS kami nanggaling, may ibinibigay naman sa amin (na project). Why not, ‘di ba? Bakit kailangang lumipat kung binibigyan naman kami ng worth, ‘di ba po?”
“Naramdaman namin ‘yung pagmamahal sa amin ng ABS,” dagdag pa ni Ronnie.
At sa kauna-unahang pagkakataon ay magbibida na sina Loisa at Ronnie sa teleserye ng ABS-CBN.
“Finally, ipapalabas na ang Love in 40 Days. Talaga namang grabe, mixed emotions ang nararamdaman ko. Masaya, excited, pero at the same time, sobrang kinakabahan. Eto po ‘yung first lead namin ni Ronnie and sobrang thankful kami kasi binigyan kami nito,” sabi pa ni Loisa.





Comments