Basilan at Vanguards maglalaban sa MPBL c’ships
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 24, 2021

Magtatapat ang Jumbo Plastic Medical Depot-Basilan at Nueva Ecija Rice Vanguards ang magtatapat para sa kampeonato ng Chooks To Go Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational matapos ang magkaibang panalo noong Huwebes ng madaling araw sa SM Mall of Asia Arena.
Tinalo ng Basilan ang Sta. Lucia-Pasig Realtors, 77-72, habang tinapos ng Rice Vanguards ang kampanya ng Buracai de Laiya-Imus, 82-78.
Inilabas ng Basilan ang kanilang talas at umarangkada sa 60-42 lamang matapos ang tres ni Jonathan Uyloan at 4:50 sa third quarter. Hindi sumuko ang Sta. Lucia at tinabasan ang agwat sa apat na puntos na lang, 72-76, salamat sa mga puntos nina Fran Yu at Jeric Teng at 27 segundo sa orasan.
Ipinasok ni Uyloan ang mahalagang free throw upang makahinga ang Basilan, 77-72, at nagtrabaho ang depensa upang hindi na pumuntos ang Realtors sa huling 17
segundo.
Nanatiling malinis ang kartada ng Basilan sa kanilang ika-anim na sunod na tagumpay sa torneo na nagsimula noong Disyembre 11. Ipinagpag ni Michael Juico ang masakit na
tuhod upang magbagsak ng 23 puntos para sa Basilan.
Sinundan siya ni Jay Collado na may 17 puntos. Sa sumunod na semifinal, dikit ang laban at tabla ang Nueva Ecija at Imus matapos ang tatlong quarter, 53-53. Biglang nagbago ang timpla ng laro at bumuhos ang 12 sunod-sunod na puntos ang Rice Vanguards upang lumayo, 74-61, papasok sa huling apat na minuto.
Pumalag ang Imus at nagawang na lumapit ng apat na puntos ng ilang beses – ang huli noong 76-80 at 21 segundo ang nalalabi.
Pinatahimik ni Byron Villarias ang banta sa kanyang dalawang free throw upang itakda ang iskor sa 82-76 at 13 segundo sa orasan.





Comments