Basheirrou Vs. Gomezian sa MARHO Breeders 3-YO
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 20, 2022
Magkakasubukan sina Basheirrou at Gomezian sa magaganap na MARHO Breeders' 3-Year-Old Colt & Filly Mile na ilalarga ngayong araw sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Inaasahang sina Basheirrou at Gomezian ang magdodomina sa takilya pag-arangkada ng karera sa Race 1. May distansyang 1,600 meter race, makakatagisan ng bilis nina Basheirrou at Gomezian ang dalawa pang tigasing kalahok na sina Main Event at Charm Campaign.
Rerendahan ni jockey John Alvin Guce si Basheirrou habang si class A rider O'Neal Cortez ang sasakay kay Gomezian sa event.
Nakalaan ang P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa second placer ang P225,000 habang tig-P125,000 at P50,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Magbubulsa rin ang winning breeder ng P25,000 kaya tiyak na lahat ay naghanda ng todo para masilo ang inaasam na premyo.
Samantala, may 12 karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Linggo kaya paniguradong masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Tampok din sa karera ngayon ang PHILRACOM Amb. Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup na pakakawalan sa pang-apat na karera.





Comments