Basheirrou bumida sa PCSO 2yo Maiden Race
- BULGAR
- Oct 26, 2021
- 2 min read
ni Green Lantern- @Renda at Latigo | October 26, 2021
Hindi binigo ni Basheirrou ang mga tagahanga matapos manalo sa 2021 PCSO 2-Year-Old Maiden Stakes race na pinasibat sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite, noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni class A rider Kelvin Abobo, ipinuwesto nito si Basheirrou sa segundo upang panoorin ang bumabanderang si Enigma Uno na humarurot agad sa largahan.
Pagsapit ng far turn ay kumukuha na ng unahan si Basheirrou kaya nakalamang ito ng dalawang kabayo kay Enigma Uno sa huling kurbada.
Hindi na natinag sa unahan ang top favorite pagdating ng rektahan, lalo pang lumayo sa mga katunggali si Basheirrou para manalo ng may anim na kabayong agwat sa sumegundong Enigma Uno.
Nagtala ng impresibong tiyempong 7' 21' 22' 26' - 1:17.4 minuto sa 1,300 meter race si Basheirrou, sapat para kubrahin ng horse owner ang P600,000 premyo.
Nagkasya si Enigma Uno sa second place prize na P200,000 habang hinamig ng 3rd at 4th placers na sina Tinago Falls at Hot Rot Hearts ang tig-P100,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod. Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, naghayag ng pagsali sina Kevlar at Mommy Caring sa 2021 PHILRACOM "PSA Stakes Race" na ilalarga sa Nobyembre 7 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Maliban kina Kevlar at Mommy Caring, nagdeklara rin ng paglahok ang walong kabayo sa event na may distansyang 1,600 meter race.
Ang ibang naghahangad na sumaklit ng P300,000 premyo ay sina Arrabiata, Luke Skywalker, Well Done, Fiesta Cubano, Roll Da Dice, Shanghai Silk, Money Changer at Tocque Bell.
Sasakyan ni jockey Lester De Jesus si Mommy Caring habang si class A rider Fernando Raquel ang rerenda kay Kevlar.
Kukubrahin ng 2nd placer ang P100,000 habang tig- P50,000 at P25,000 ang ibubulsa ng third at fourth ayon sa pagkakasunod. Makatatanggap din ang fifth at sixth ng tig P15,000 at P10,000 habang P25,000 ang makokopo ng breeder ng winning horse.





Comments