BARON AT MISIS, NAG-UNFOLLOW NA SA ISA’T ISA SA IG

ni Melba R. Llanera @Insider | September 10, 2026

Photo: Baron Geisler - IG
Maraming netizens ang nakapansin na in-unfollow na ng mag-asawang Baron Geisler at Jamie Evangelista ang isa’t isa sa kani-kanilang Instagram (IG) account.
Gayunman, patuloy ang pag-upload ng dalawa ng mga larawan ng anak nilang si Tali.
Noong nakaraang selebrasyon ng Linggo ng Wika ay nag-upload sila ng mga larawan, pero kapansin-pansin na hindi sila magkasama sa mga pictures.
Nagsanga-sanga na ang mga balita mula sa IG posts ni Jamie, na nu’ng una’y tungkol sa pagre-relapse ng aktor at kailangan umanong magpa-drug rehab, at kamakailan naman ay tungkol sa isang amo na katabing matulog ang alalay.
Sa nakaraang interview kay Nadia Montenegro ay nabanggit nito na binawi niya ang anak na si Sophia mula sa poder ni Baron dahil sa problema ng pamilya nito.
Nawa’y malagpasan ni Baron ang mabigat na sitwasyong kinasusuungan sa ngayon dahil isa siya sa mahuhusay na aktor ng kanyang henerasyon.
Nautangan ng P50 M ng ex-BF, ‘di na naghabol…
SACHZNA, MAY BAGO NANG DYOWANG CEO
Agad na pinabulaanan sa amin ni Sachzna Laparan ang kumalat na balita sa social media na bayad na raw ang P50 milyon na utang sa kanya ng ex-boyfriend na si Mark Pascual.
Nag-post din ang vlogger-actress sa kanyang Facebook (FB) account na walang katotohanan ang nasabing balita. May hiling din si Sachzna sa media na sana ay magberipika muna ng mga ipa-publish na balita at siguraduhin na hindi ito fake news.
Consistent pa rin ang vlogger-actress sa pagsasabing hindi niya hinahabol ang P50M na utang sa kanya ng dating kasintahan dahil alam ni Sachzna na wala itong kakayahan na bayaran ang obligasyon sa kanya.
Sa ngayon ay masaya na siya sa piling ng bagong non-showbiz-businessman boyfriend na si Renz Calvin Estrella. CEO ng isang sikat na lending business sa bansa ang 33-year-old na binata.
Ayon kay Sachzna, nagkakilala sila ng BF dahil sa kanyang business partner na kaibigan naman ni Renz at hindi nga nito alam na artista siya at isang sikat na content creator.
Sa mga nagsasabi na ang bilis niyang naka-move on at pumasok sa panibagong pakikipagrelasyon, ipinaliwanag sa amin ni Sachzna na sa loob ng isang taon ay nasa silent quitting na siya, kung saan bilang isang babae ay alam na niya na sa hiwalayan ang punta ng relasyon nila ng ex-boyfriend at inuubos na lang niya ang pagmamahal niya rito.
Well, nasa getting-to-know stage pa lang sila ng kasalukuyang boyfriend at mas kinikilala pa ang isa’t isa, bagama’t naipakilala na rin daw nila ang isa’t isa sa kani-kanilang pamilya.
Samantala, sa tanong namin kung ano ba ang aral na natutunan niya sa nakaraang relasyon na ia-apply niya sa bagong relasyon, para kay Sachzna, ito ay huwag magbigay nang sobra-sobra at pabiro rin niyang sinabi sa amin na huwag magpautang ng P50M.
Hiningan din namin siya ng reaksiyon sa naging interview ni Angelica Jones sa mga programang Your Honor (YH) at Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), kung saan sinabi nito na masama ang loob niya kay Sachzna dahil bukod sa hindi ito nagpaalam sa kanila ni Lito Camo nang i-revive ang kantang Ms. Flawless noong 2019 ay inisnab siya ng vlogger sa isang event na pareho nilang dinaluhan.
Paliwanag sa amin ni Sachzna, kasama ang ina na si Mommy Tine ay personal silang nagpaalam kay Lito Camo na siyang composer ng kanta para magamit sa ginawang music video kasama ang Beks Batallion at ang direktor ng kanilang team ang nakipag-ugnayan kay Angelica para magpaalam dito.
Dapat nga ay kasama ito sa music video at magkaka-cameo sana rito, pero tumanggi ang politician-actress dahil may posisyon na nga ito sa lalawigan ng Laguna.
May pagpapalitan ng mga mensahe si Angelica at ang nasabing direktor at ito na rin ang humintong sumagot sa mga mensahe sa ‘di nila malamang dahilan.
Para kay Sachzna, alam niya na ginawa ng team niya ang trabaho ng mga ito para magpaalam at siya naman bilang isang artist.
Sa isyu naman na hindi niya pinansin si Angelica nang magkita sila sa isang event ng mga CEO noong 2023 o 2024, ipinaliwanag sa amin ni Sachzna na nasa magkaiba silang lamesa kaya hindi sila nagkaroon ng tsansa na magbatian, bukod pa sa pormal ang naturang event para roon sila mag-usap.
Dagdag pa sa amin ng content creator, nakarating na sa kanya noon sa mga interviews kay Angelica na galit na galit ito sa kanya at hindi niya alam kung paano ito ia-approach, lalo’t kabi-kabila ang pambu-bully na tinatanggap niya noong mga panahon na ‘yun.
Sa tanong namin kung handa ba siyang magpasalamat at humingi ng tawad gaya ng sinabi ni Angelica na gusto niyang gawin ni Sachzna, handa naman ang content creator na humingi ng tawad kung na-offend niya ito at magpasalamat.
Gusto nga ni Sachzna ay mangyari ito nang personal, walang kamera, lalo’t ayaw niya ng kaaway o may kasamaan ng loob.
Itinext namin si Angelica kung okay lang ba sa kanya na ibigay ang number niya para ma-text siya ni Sachzna, pero wala pang sagot sa amin ang actress-politician.
Naniniwala kami na darating din ang panahon na makakapag-usap at magkakalinawan ang dalawa, kapag handa na ang magkabilang panig.





Comments