BARBIE, NAG-IIYAK NANG LAYASAN NI DIEGO, NIYAKAP NI DANIEL PARA TUMIGIL
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 06, 2022

Tagumpay ang Pambansang Lalaking Marites ng Pilipinas na si Xian Gaza dahil nagkatotoo ang sabi niya noon na hiwalay na sina Diego Loyzaga at Barbie Imperial, kung saan nadawit pa ang pangalan ni Daniel Padilla dahil nakitang magka-text sila at nandoon ang aktres sa bahay ng aktor.
Inamin na ni Barbie sa eksklusibong panayam sa kanya ni MJ Felipe ng TV Patrol na umere sa nasabing news program kagabi na wala na nga sila ni Diego.
Matatandaang ginawan ng isyu ni Xian sina DJ at Barbie na hindi naman pinatulan ng aktor at sinabing 'nonsense.’
Base rin sa kuwento ng lalaking tsismoso ay nag-iiyak si Barbie sa kaibigan niyang si Magui Planas na kapatid ni Daniel at naikuwento nito na umalis si Diego patungong Amerika.
Nalaman naman ni Karla Estrada kaya pinapunta niya ang aktres sa bahay nila para i-comfort at pati na rin si Daniel ay inalalayan si Barbie.
Pinasalamatan ng aktres ang boyfriend ni Kathryn Bernardo, na base rin sa inilabas ni Xian na laman ng mensahe ni Barbie kay DJ ay ganito ang nakasaad: “Thank u sa hug kanina, I feel better now. Merry X'mas.”
At sa video post ni Xian ay ikinuwento niya kung paano naghiwalay ang DiegBie base sa source niyang malapit sa dalawang artista.
“Ang tsismis na aking nasagap mula sa mga taong malapit sa dalawa (Barbie at Diego), last December bago lumipad ng Estados Unidos si Diego, nag-away ‘yung dalawa sa bahay nang malala!
“Ang pinag-awayan nila, ayaw payagan ni Barbie na lumipad ng Estados Unidos si Diego kasi nga maghihiwalay na talaga sila. Ito na ‘yung tututok at babasag sa kanilang relasyon, naramdaman na ‘yun ni Barbie,” tsika ni Xian.
Paglalarawan pa nito, “So, si Barbie, pinipigilan niya, ‘Huwag ka nang pumunta, huwag ka nang sumama sa pamilya mo.’
“Si Diego, ‘No, I’m so tired of this relationship, I’m so tired of you! Let me go,’" at nag-iiyak daw si Barbie.
“At heto ang nangyari, pinapili siya ni Barbie. Away na malala at ang bottom line na sabi ni Barbie, ‘Pumili ka, Diego, pumili ka! Amerika o ako?’ Walkout ngayon ang Diego.”
At saka raw nag-iiyak si Barbie.
“Iniwan siya, eh. Eh, di ngayon, tulugan na. Paggising ni Barbie, pag-check ng phone niya sa IG story ni Diego, nasa loob ng eroplano, ha, ha, ha! Pinapili, pinili ang Amerika.”
Samantala, ilang oras ang nakalipas ay humingi ng sorry si Xian kay Barbie dahil paborito raw niyang intrigahin ang aktres. Nauna na nga ‘yung kay AJ Raval na idinawit kay Diego kaya sila nag-away to the max ni Barbie.
In-screenshot ni Xian ang paghingi niya ng dispensa kay Barbie na naka-post ngayong araw sa FB account niya.
Aniya, “Alam mo ba kung bakit paborito kong guluhin ang buhay mo? Kasi may gusto ako sa 'yo. Goal ko talaga na maghiwalay kayo ni Diego.
“Hindi mo deserve ang isang lalaking mama’s boy at palaging nahingi ng pera sa ama. 'Ika nga sa Lumang Tipan, you deserve better.
“Alam ko na hindi naging maganda ang pakikitungo ko sa 'yo for the last 3 months kaya ako’y kinasusuklaman mo. Ginawa ko lamang lahat ng ito upang magpapansin sa 'yo. Nawa’y mapatawad mo 'ko upang makapagsimula tayo ng bago.”
Walang reaksiyon si Barbie dahil nang i-check din namin ang kanyang IG story ay nagpapa-PCR test siya at ipinost ang larawang dumalo siya sa premiere night ng pelikula nila ni Diego na Dulo pero naka-crop ang aktor at si Direk Fifth Solomon na lang ang kasama ng aktres.
Bukas naman ang BULGAR para sa panig ni Diego na ang huling post ay namasyal siya sa Disney Parks sa California.





Comments