Banta nina Yorme Isko, Pacman at Trillanes, ikukulong ang tropang Duterte
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 03, 2021
OKS LANG KAY P-DUTERTE MAGKA-CONSTITUTIONAL CRISIS BAST MAIPAGTANGGOL LANG ANG MGA SANGKOT SA PS-DBM-PHARAMALLY MULTI-BILLION PESO SCAM--Nagbanta si P-Duterte na magkakaroon ng Constitutional crisis kapag nagpahuli pa uli si Sen. Richard Gordon ng mga taong sangkot sa multi-billion peso scam na isinagawa ng PS-DBM at Pharmally kasi ayon sa pangulo, inutusan na niya bilang commander-in-chief ang militar at pulisya na huwag sundin ang arrest order ng Senado.
Ibang klase talaga si P-Duterte, mantakin n'yo ay handa siyang mabalahura ang Konstitusyon ng Pilipinas huwag lang makulong ang mga taga-PS-DBM at Pharmally na nanindikato sa pera ng bayan, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
NAGDUDUDA NA ANG MAJORITY PINOYS NA SANGKOT SA SCAM SI P-DUTERTE KASI TODO-TANGGOL SA PS-DBM AT PHARMALLY--Dapat payuhan si P-Duterte ng kanyang mga adviser na tigilan na ang pagbabanta ng Constitutional crisis at pagtatanggol sa mga sangkot sa katiwalian na sina former Usec. Christipher Lloyd Lao, kaibigan niyang si Yang Hong Ming aka Michael Yang at sa mga taga-Pharmally Corp. na ang mga dayuhang may-ari ay wanted sa Taiwan sa kasong fraud.
Sa totoo lang, sa mga comment sa social media ay nagdududa na ang majority Pinoy na sangkot sa scam ang pangulo kaya todo-tanggol siya sa mga nanindikato sa kaban ng bayan sa gitna ng pandemya, boom!
◘◘◘
BANTA NI YORME, 'SOKPA SA OBLO' ANG MGA SANGKOT SA PS-DBM-PHARMALLY MULTI-BILLION PESO SCAM--Hindi nagustuhan ni Aksyon Demokratiko Presidential candidate, Manila Mayor Isko Moreno ang lantarang pagtatanggol ni P-Duterte sa mga sangkot sa PS-DBM-Pharmally Corp. multi-billion peso scam, at bagama’t walang binanggit na pangalan ay nagbanta si Yorme na ipakukulong niya ang lahat ng mga sangkot sa anomalyang ito.
Sabi ni Yorme… "We are being raped sa pinakamalungkot na kahinaan ng tao. They took advantage of us. Kaya tawag ko d'yan, "plundemic," plunder in pandemic." Yes we will go after them, isosokpa natin sila sa oblo."
Dahil sa bantang 'yan ni Yorme, malamang ay kakaba-kaba na ngayon sina P-Duterte at Michael Yang kasi baka pati sila ipakulong ni Mayor Isko dahil ang kanilang mga tauhan at kaibigan ang nasasangkot sa multi-billion peso scam na ito, period!
◘◘◘
HINDI LANG SI YORME, PATI SINA PACMAN AT TRILLANES AY NAUNANG NAGBANTANG IKUKULONG NG TROPANG DUTERTE--Bago nagbanta si Mayor Isko na kapag siya ang naging pangulo ay ipakukulong niya ang mga sangkot sa PS-DBM-Pharmally scam ay nauna nang nagbanta si ex-Sen. Antonio Trillanes na kapag oposisyon ang nanalo ay ipakukulong niya si P-Duterte sa kasong plunder at crimes against humanity, at maging si Sen. Manny Pacquiao ay nagbanta rin na kapag siya ang naging next president, kulong aabutin ng mga kurakot sa Duterte gov't.
Sa totoo lang, nagdedelikado talagang makulong si P-Duterte at ang mga kurakot sa kanyang pamahalaan kasi parami nang parami ang mga nagpapahayag nang kagustuhang makasuhan at makulong ang tropang Duterte, boom!





Comments