Banta ng Omicron variant, ‘wag ismolin
ni Ryan Sison - @Boses | January 09, 2021
Bagama’t “less severe” ang ipinapakitang sintomas ng Omicron variant ng COVID-19, nananawagan ang World Health Organization (WHO) na huwag balewalain ang sakit.
Ayon sa WHO, ang mild na sintomas ng Omicron ay nakikita sa mga bakunadong indibidwal, ngunit dahil sa bilis ng pagkalat nito, hindi malabong dumapo ang variant sa taong hindi pa nababakunahan o may ibang karamdaman.
Dagdag pa ng WHO, kung patuloy itong kakalat, lalong mabibigyan ng pagkakataong mag-mutate o magbago ang virus. At kung hindi naman mapoprotektahan ang malaking bahagi ng populasyon sa pamamagitan ng bakuna, maaaring hindi lang Omicron ang magiging huling ‘variant of concern’.
Matatandaang tumaas sa 40% ang positivity rate sa bansa, na maituturing na pinakamataas mula nang magsimula ang pandemya.
Ayon sa OCTA Research Group, hindi malabong kumalat ang Omicron variant, lalo na sa Metro Manila, ngunit ang mas nakakatakot umano ay kung umabot sa labas ng rehiyon ang naturang variant.
Kasisimula pa lang ng taon, ngunit napakarami na nating kinaharap na pagsubok, at kabilang na ang hindi mapigilang pagtaas ng COVID-19 cases, gayundin ang patuloy na banta ng Omicron variant.
Bagama’t karamihan ng ating mga kababayan ay bakunado laban sa COVID-19, marami pa rin ang walang sapat na proteksiyon laban sa sakit. Kaya naman, nananawagan ang mga eksperto sa buong mundo na protektahan ang sarili laban sa mas nakahahawang variant.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala, bakunado man o hindi, posibleng tamaan ng sakit, kaya kung doble-ingat tayo noon, triplehin pa natin ngayon. Panahon na para mas seryosohin ang pag-iingat laban sa COVID-19, anumang variant man ‘yan.
Gayundin, ‘wag matakot magpatingin sa doktor kung nakararamdam ng sintomas, baka akala natin ay simpleng trangkaso lang, pero iba na pala.
‘Ika nga, protektahanang isa’t isa at iwasang maging sanhi ng panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments