Balanseng gawain para sa mga guro at mag-aaral, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | October 25, 2020
Ilang linggo matapos ang pagbubukas ng klase, kapansin-pansing maraming estudyante ang hirap makasabay sa mga aralin dahil sa problema sa internet o hirap matuto ‘pag walang kaharap na guro.
Gayunman, hindi maitatangging pati mga guro ay hirap at nangangapa dahil sa panibagong paraan ng pagtuturo.
Bukod pa rito, maraming mag-aaral at titser ang dumadaing ng mabigat na workload hinggil sa distance learning, bagay na inamin naman ng Department of Education (DepEd).
Dahil dito, agad na sumagot ang ahensiya at sinabing ginagawa na nila ang kanilang makakaya upang maibsan ang workload ng mga mag-aaral at guro.
Dagdag pa ng ahensiya, dapat matulungang mag-adjust ang mga estudyante at titser dahil matagal silang hindi nag-aral at nagturo dahil sa pagkaantala ng pagbubukas ng klase dahil sa pandemya.
Sa totoo lang, ilang linggo nang nananawagan ang mga mag-aaral ng “academic break” dahil halos wala na silang pahinga dahil tadtad ng gawain sa iskul at sunud-sunod na deadline.
Hindi naman dahil sa katamaran, pero aminin na natin, lahat tayo ay nag-a-adjust pa.
‘Ika nga, iba-iba ang kakayahan ng mga estudyante kaya ito rin ang itinuturong dahilan kaya marami ang hirap matuto.
Gayundin, bigyan natin ng pagkakataong magpahinga ang ating mga guro dahil hindi pa man nagbubukas ang klase, todo-kayod na sila para maihanda ang modules at matiyak na naka-enroll ang mga bata.
Panawagan sa kagawaran ng edukasyon, bilisan ang pagtugon sa usaping ito dahil sa gitna ng pandemya, kailangang pairalin ang konsiderasyon sa isa’t isa.
Habang itinataguyod ang pag-aaral ng mga bata, siguraduhing may sapat silang pahinga, gayundin ang ating mga guro.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments