Bakunado o hindi, basta lumalabas, ingat pa more!
ni Ryan Sison - @Boses | November 11, 2021
Dahil sa mas maluwag na quarantine restrictions, malaya nang nakakapamasyal at nakakapaglaro ang mga bata sa labas ng kani-kanilang bahay.
Habang todo-enjoy ang mga ito, karamihan sa kanila ay walang suot na facemask at dedma na sa social distancing. Ang mga magulang naman, kapansin-pansing tila hindi nababahala, basta’t nag-e-enjoy ang mga anak.
Dahil dito, aminado ang ilang barangay officials na sa dami ng residente sa kanilang lugar, hirap silang matiyak na nasusunod ang safety protocols. Kaya naman, panawagan sa mga residente, kooperasyon lang, lalo na sa mga magulang.
Siyempre, may opinyon din ang mga eksperto hinggil dito.
Bagama’t magandang senyales ang pagluluwag, kasabay nito ang babala sa pagdami ng mga lumalabas, lalo na ang mga hindi pa bakunado.
Giit nito, hindi pa ligtas na payagang makalabas ang mga bata at maglaro nang walang suot na facemask, at dapat umanong sa park o open spaces lamang ipasyal ang mga bata.
Gayundin, mas mabuti umano kung unang pinayagang lumabas ang mga batang nabakunahan na.
Sa totoo lang, nakakabahala ang pagbuhos ng mga tao, maging sa mga pasyalan o sa labas lang ng bahay.
Ang ending tuloy, ‘yung mga pumapasok pa ang nag-aalangan lumabas dahil tila nabigla sa dami ng mga tao. Maging ang pampublikong transportasyon ay punuan kahit itinakda sa 70% ang kapasidad.
Kaya panawagan sa publiko, matanda o bata, bakunado man o hindi, hinay-hinay lang sa paglabas. Tulad ng paulit-ulit na paalala, ‘pag hindi naman kailangan, iwasan nang lumabas.
Alam nating lahat na posible pa ring tamaan ng sakit ang kahit na sino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments