top of page
Pokwang.jpg

Bakuna kontra COVID-19, malabong dumating sa bansa sa unang buwan ng taon, hays!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 21, 2020
3 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 21, 2020



Wala pang garantiya kung may darating na COVID-19 vaccine sa Pilipinas ngayong Enero kahit may massive vaccination na sa ibang bansa ngayong Disyembre.


Bakit?


Malungkot ang sagot: hindi nakaprayoridad sa naratipikahang P4.5 trilyong badyet ang COVID-19 vaccine!


◘◘◘


Mas ginarantiyahan ay ang DPWH "pork barrel" scheme kung saan may kani-kanyang milyones na pondo ang mga kongresistang nakadikit sa “kusina” ng Kamara.


Maselang isyu ito na tiyak na pinag-aaralang mabuti ni P-Digong bago lagdaan ang 2021 budget bill!


◘◘◘


Iniutos din ni P-Duterte na pondohan ang internet connections dahil dito na lahat nakadepende ang pagbabalik sa new normal.


Ang masakit, naratipikahan ang budget at imbes na dagdagan, kinaltasan ang National Broadband Program ng DICT!


◘◘◘


Nag-a-alburoto na si Sen. Panfilo Lacson at kanyang hinagpis: “Ano ba ang priority kasi ng mga congressman?”


Tama si Sen. Lacson, eh, 'yung infrastructure budget ng mga kaalyado ni Speaker Velasco nagawa nilang isingit na taasan ng ilang bilyon.


Umabot sa P650-M hanggang P15-B ang infrastructure budget ng bawat distrito, pero yung mahalagang dapat budgetan ay wala!


◘◘◘


'Yan ang problema kapag mahina ang liderato ng House Speaker, madadala sa sulsol ng mga kaalyado, 28 ang deputy speaker sa pamumuno ni Velasco, isama mo pa ang mga Committee Chairman, lahat yan may kani-kanyang bulong.


Kaya lahat sila may pondo, secured na ang kickbacks sa mga DPWH projects tapos 'yung mga agency na magpapatupad ng mga programa ay slashed budget ang ginawa!


◘◘◘


Tinatayang may 60 milyong Pinoy ang dapat mabakunahan para mag-develop ng herd immunity laban sa COVID-19 pero P2.5-B lang ang inilaang pondo.


'Yung P72 bilyon ay drawing pala, nakalista lang sa budget for COVID-19 vaccine pero ang totoo hahanapin pa lang ang pondo nito!


◘◘◘


Kung hahanapan pa lang ng pondo ang bakuna, ang mga infrastructure projects sa mga distrito ng mga congressman may pondo na sa GAA.


Tama na naman si Lacson sa kanyang sinabi na: "This only shows that for some, a pandemic - and the crippling effects it has on all sectors of society - should not get in the way of personal interests".


◘◘◘


Ibinunyag ni Lacson na walang pag-aaral na ginagawa sa pagkaltas ng budget, basta lamang maisipan kaya ang sistema ang mahahalagang proyekto ang nasasakripisyo.


Halimbawa ang national broadband program, kung sapat ang budget nito sa 2021 budget ay mailalarga sana ang free wifi connection!


◘◘◘


Kung may sapat na badyet sa DICT para sa national broadband, makatitipid ang bansa ng P34-B sa loob ng susunod na limang taon.


Hindi na kasi magsu-subscribe at magbabayad ang mga government agencies sa mga private telcos at sa government connection na aasa!


◘◘◘


Nilinaw pa ni Lacson na para ma-accomodate P28 bilyong insertions ng mga mambabatas para sa pet projects nito ay nagkaroon ng magic.


Pero, hindi pa matukoy lahat ng senador kung saang ahensiya hinugot ang budget pero ang dalawa ay mula sa DICT at P8-B naman ang binawi para sa modernization program ng AFP!


◘◘◘


Aminado mismo si Sen Lacson na mas maraming nanalo at naa-adopt na amendments ang Kamara pagdating sa budget.


Nagkaroon nga ng hiwalay na deliberations ang Senado at House sa budget, mayroong mga pork barrel issue na lulutang laban sa mga congressman pero pagdating sa Bicam ay naaprubahan din ang kanilang ginawang insertions.


◘◘◘


Ang dahilan nito ayon na rin kay Sen. Sonny Angara na head ng Senate Finance Committee ay dahil na rin sa kapos na ang oras, kaysa masakripisyo ang kabuuan ng budget at mauwi sa reenacted budget.


Simpleng blackmail 'yan!


◘◘◘


Pinalusot na ang mga insertions at aasa na lang sa pag-veto ng Malacañang.

Dapat siguro sa Enero pa lang ay pag-usapan na ang budget.


Kung kailan naka-break, saka inilusot ang insertions ng mga kawatan—parang “Ninja Solons”—sa alanganin oras umatake.


Magdasal tayong i-veto ni P-Digong ang lantarang insertions.


Hintayin natin!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page