top of page
Search
BULGAR

Bakit Nobyembre 27 na ang Bonifacio Day?

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 27, 2023


Bakit Nobyembre 27 na ang Bonifacio Day para sa taong 2023?


Ito ang namumutawing katanungan ng marami nating kababayan partikular ang mga manggagawa na nasanay sa Nobyembre 30 na ginugunita ang Bonifacio Day.


Noong nakaraang Nobyembre 9, 2022, si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay naglabas ng Proclamation No. 90 na nagdedeklara ng regular holidays at special (non-working) days para sa taong 2023.


Ito ay awtomatikong inaamyendahan ang kahit anong anunsyo sa Proclamation No. 42 kung saan nakasaad ang pangangailangang i-adjust ang mga holidays ayon sa prinsipyo ng holiday economics na madalas ang mahabang weekend ay nakatutulong sa domestic travel kabilang na ang pagtaas ng turismo sa bansa.


Kabilang sa proclamation ang Bonifacio Day, na ginugunita bilang regular holiday tuwing Nobyembre 30 ng bawat taon, ngunit dahil sa pumatak ito sa araw ng Huwebes sa kalendaryo ng 2023 kaya iniusog ito sa pinakamalapit na Lunes na Nobyembre 27.


Lumalabas na ang Nobyembre 27, 2023 ay isang non-working holiday habang ang Nobyembre 30 ay working holiday at siguradong napakarami nating kababayan ang nag-uwian sa kani-kanilang probinsiya o nagbiyahe abroad dahil sa napakahabang weekend.


Ang Bonifacio Day kasi na isang national holiday sa ating bansa ay ang tanging araw na ginugunita natin si Andres Bonifacio, isa sa pambansang bayani na kailangan nating alalahanin upang maging ang mga kabataang bagong sibol ay hindi makalimutan ang malaking naiambag niya sa ating bansa.


Si Bonifacio ang nagtatag at tinaguriang Supremo ng Katipunan, isang sikretong samahan na may malaking kinalaman sa naganap na Philippine Revolution noong 1896 laban sa mga Kastila, at kaya Nobyembre 30 natin siya ginugunita dahil ito ang araw ng kanyang kapanganakan.


Simula 1901, ang kaarawan ni Bonifacio ay ipinagdiriwang ng mga civic organizations, hanggang noong 1920 ay nagsumite ng batas si Senator Lope K. Santos na maging holiday na ang Nobyembre 30.


Taong 1921 ay inaprubahan na ng governor-general ang naturang batas -- Act No. 2946 ngunit, hindi pa ito ipinangalan kay Bonifacio at naitala lamang ang Nobyembre 30 sa listahan ng mga holidays sa Act No. 2711.


Kumbaga, ang naturang holiday ay ginugunita ang lahat ng bayaning Pilipino na nagpatuloy sa mahabang panahon hanggang sa magkaroon na ng hiwalay na National Heroes Day noong 1931.


Noong 1952, pinaghiwalay ni Pangulong Elpidio Quirino ang National Heroes Day at Bonifacio Day sa pamamagitan ng executive order, hindi tulad ni Dr. Jose Rizal na ginugunita ang Rizal Day sa araw ng kanyang kamatayan.


Ipinagdiriwang ang Bonifacio Day sa kanyang kapanganakan dahil sa kontrobersiya sa mga detalye at hindi matiyak ang mismong araw na siya ay pinatay ng kapwa niya rebolusyonaryo sa panahon ng Philippine Revolution.


Ilan lang ‘yan sa mga bagay na dapat nating alalahanin sa Bonifacio Day ngunit dapat din nating maliwanagan na makatatanggap ng 200 percent sa kanilang daily wage ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa kanilang trabaho sa Nobyembre 27.


Sa Labor Advisory No. 24, series of 2023, na inilabas noong Biyernes, pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na sundin ang pay rules para sa holiday.


Ayon sa DOLE, para sa trabahong ginawang lampas sa walong oras ay babayaran ng kumpanya ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng hourly rate sa araw na iyon (hourly rate ng basic wage x 200 percent x 130 percent x number of hours worked).


Babayaran naman ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng pangunahing sahod na 200 porsyento (basic wage x 200 percent x 130 percent) ang trabaho ng empleyado na ginawa sa panahon ng regular holiday na ini-adjust sa araw ng kanilang pahinga.


Sa mga papasok na lagpas sa walong oras sa panahon ng regular holiday na pumatak din sa pahinga ng empleyado, dapat magbayad ang employer ng karagdagang 30 percent ng hourly rate ng nasabing araw (hourly rate of the basic wage x 200 percent x 130 percent x 130 percent x number of hours worked).


Samantala, binanggit ng DOLE na kung hindi magtrabaho ang empleyado, babayaran ng employer ang 100 porsyento ng sahod ng empleyado para sa araw na iyon, sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.


‘Yan ang mga benepisyong tinatamasa ng mga manggagawang Pilipino basta’t huwag lang nating kalimutang gunitain si Andres Bonifacio – atapang atao!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page