top of page

Bakit kailangan magsuot ng face shield?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 25, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 25, 2021



Noong nakaaraang linggo ay natuwa ang marami sa ating mga kababayan hinggil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ipatigil na ang paggamit ng face shield dahil sa kabi-kabilang reklamong galing mismo sa publiko.


Sa katunayan ay isa ang inyong lingkod sa mga natuwa at nagpasalamat sa pahayag na ito ng Pangulo na binigkas mismo kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III nang magtungo kami sa Palasyo kasama ang iba pang Senador.


Naging pursigido tayo sa panawagang ipatigil na ang paggamit ng face shield dahil sa negatibong epekto nito, ayon na rin sa pakikipag-ugnayan natin sa ilang doktor at eksperto hinggil sa pandemyang ito.


Nakadagdag pa ang hindi mapasinungalingang katotohanan na bukod sa Peru ay ang bansa lamang natin ang gumagamit ng face shield kumpara sa napakalalaking mga bansa sa buong mundo, ngunit maayos nilang nalalabanan ang COVID-19.


Bukod sa karagdagang gastos ay may taliwas na pahayag ang ilang doktor sa kaligtasang dulot nang pagsusuot ng face shield dahil sa hindi maayos na bentelasyon nito na lalo pang nagpalakas sa panawagan ng marami naing kababayan.


Dahil sa magkahating pananaw ng ating mga kababayan hinggil sa pagsusuot ng face shield ay agad na nakipagpulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Pangulo na dapat umanong ituloy pa rin ang paggamit ng face shield.


Nitong Lunes ay opisyal nang binawi ng Pangulo ang pagpapatigil sa paggamit ng face shield at sa halip ay naglabas pa ng panuntunan kung saan-saan dapat gumamit ng face shield.


Ito ay dahil sa hindi pa umano napapanahon na ipatigil ang pagsusuot nito lalo pa at nakaalerto ang ating bansa laban sa sikat na sikat ngayong Delta variant na napakabilis nang pagkalat sa buong mundo.


Ang Delta variant ay unang nakita sa India sa huling bahagi ng 2020 na pinaniniwalaang may napakalaking kontribusyon sa napakataas na kaso ng COVID-19 sa India na dumanas ng second wave na hanggang ngayon ay nasa gitna pa rin nang pakikipagdigma laban sa pandemyang ito.


Nitong Hunyo 14 ay kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na umabot na sa 74 bansa na sa buong mundo ang inabot na ng hindi mapigilang pagkalat ng Delta variant kabilang na ang ating bansa at mismong ang United States (US) ay nasa 10% na umano ang kumpirmadong kaso.


Nabatid na namataan din ang mga kaso ng Delta variant sa United Kingdom noong pang nakaraang Pebrero at naungusan nito ang unang pumutok na Alpha variant o mas kilala sa B.1.1.7. na unang natukoy sa Kent, England at nakumpirmang mas nakakahawa ito ng 43 hanggang 90% kumpara sa kasalukuyang variant na SARS-CoV.


Sa ibang pahayag ng ilang eksperto sa iba pang bansa ay lumalabas na nasa 30 hanggang 100% na mas nakahahawa ang Delta variant kumpara sa Alpha na labis na pinangangambahan.


Ang Delta variant ay kasalukuyang mabilis na kumakalat sa Southeast China at sa ating bansa ay sinasabi ng mga doktor na ang mga pasyente na nahawa sa virus na ito ay mas malala ang pagkakasakit at mabilis maupos ang kalagayan kumpara sa mga unang kaso ng COVID-19 sa simula ng pandemya.


Sa nagdaang mga kaso ng COVID-19 ay may ilan tayong kababayan na hindi na kinailangang dalhin pa sa ospital dahil sa may ilang malakas ang resistensiya at kinaya nang magpagaling sa kani-kanilang bahay sa tulong ng ilang kilalang gamot laban dito.


Ngunit taliwas umano ito sa kaso ng Delta variant, dahil tiyak na sa pagamutan babagsak ang nahawa nito upang gumaling para mabigyan ng tamang medikasyon at hindi maaari ang mga unang istilo ng ilan nating kababayan na nakatsambang gumaling.


Napatunayan din na ang mga nabigyan ng kumpletong bakuna ay may sapat nang proteksiyon para labanan ang Delta variant na tumapos sa buhay ng maraming tao sa India.


Ang mga pag-aaral na ito ang labis na pinangangambahan ng ilan sa ating mga eksperto kaya pilit nilang iginigiit na mapanatili ang pagsusuot ng face shield bilang karagdagan umanong proteksiyon.


Sa puntong ito ay posibleng may katuwiran ang Pangulo na bawiin ang una niyang pahayag dahil bilang Pangulo ng bansa ay wala siyang ibang hangad kung hindi ang kapakanan ng bawat Pilipino.


Ang mahalaga ay ang kaligtasan ng lahat lalo na’t panibago na naman itong Delta variant. Kaya importante ang patuloy na pag-iingat at pagsunod sa mga minimum health standards upang tiyakin na malayo tayo sa kapahamakan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page