Bakit ba kasi? Bakit?! MAY-EDAD NANG SINGER, HILIG TUMAKBO TUWING ELEKSIYON, LAGI NAMANG TALUNAN
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | May 26, 2022
BLIND ITEM:
Labis na ipinagtataka ng mga netizens kung bakit sobrang obsessed sa kanyang ambisyon na maging public servant ang isang may-edad nang singer. Ilang beses na itong tumatakbo sa iba't ibang posisyon sa kanyang lalawigan pero lagi namang talunan.
Sobrang ibinubuhos ng singer ang kanyang panahon sa pangangampanya tuwing eleksiyon. Pero sa panahon kasi ngayon, nag-iba na ang sistema ng pulitika. Hindi na uubra na sikat lang ang isang kandidato.
Para iboto, kailangang consistent na maramdaman ng mga botante ang sinserong malasakit ng kandidato. Hindi na madadaan lang sa pagkanta-kanta at pagkaway-kaway para makakuha ng boto.
Kailangan na may sinserong malasakit sa kanyang mga kababayan at hindi 'yung makakaalala lang 'pag panahon ng eleksiyon.
Kaya malaking katanungan sa marami kung bakit gustung-gusto ng singer na maupo sa isang puwesto sa kanilang lalawigan. May mga sponsors kaya siya sa kanyang kandidatura?
Kung tutuusin, may isang malaking organisasyon sa showbiz na dapat pakatutukan ng dating sikat na singer-politician. Dahil sa kanyang kaabalahan sa kanyang political career, napabayaan na ang pamumuno sa organisasyon na kanyang pinamumunuan.
Dapat ay maging prayoridad niya ito dahil maraming natutulungan na maliliit na manggagawa sa telebisyon at pelikula.





Comments