ni Anthony E. Servinio @Sports | June 5, 2024
Binura ng host Bahrain ang pangarap na kampeonato ng Alas Pilipinas sa pagpapatuloy ng 2024 AVC Challenge Cup for Men kahapon ng madaling araw. Itinapal nila ang ikalawang sunod na talo sa mga Pinoy spiker sa Grupo A – 25-18, 25-23 at 25-20 – sa tampok na laro sa Isa Bin Rashid Hall.
Unang set pa lang ay ipinakita ng Bahrain kung bakit sila ang pumangalawa noong huling torneo at mula sa 12-12 tabla ay bumomba ng apat na magkasunod na puntos at hindi na nakabawi ang Alas. Isang mas mabangis na Alas ang lumabas para sa pangalawang set at humabol upang magbanta, 23-24, subalit hindi nagpatinag ang Bahrain at tinapos ito agad.
Patuloy ang paghahabol ng mga Pinoy sa huling set at nagawang lumapit, 14-15, ngunit kontrolado talaga ng Bahrain ang laro at sinagot ito ng dalawang puntos upang makahinga, 17-14. Bunga ng resulta, pasok na ang Bahrain (1-0) at nagpapahingang Tsina (1-0) sa quarterfinals at paglalabanan na lang nila kung sino ang magiging numero uno ng Grupo A.
Makukuntento na lang ang Alas na maisalba ang pang-9 na puwesto ngayong Miyerkules ng gabi at higitan ang kanilang ipinakita noong nakaraang taon. Haharapin nila ang matatalo sa pagitan ng Qatar (0-1) at Indonesia (0-1) sa Grupo C na tinatapos kagabi kung saan nakataya rin ang huling tiket papuntang quarterfinals para sa mananaig at samahan ang maagang nakapasok na walang talo na Timog Korea (2-0).
Nagtapos na ika-10 ang Pilipinas noong 2023 Challenge Cup sa Taiwan. Nabitin lang sila sa huling laro kontra host Chinese-Taipei sa apat na set – 22-25, 17-25, 28-26 at 22-25.
Comments