top of page
Search
  • BULGAR

Bahagi ng pagseserbisyo ang maging boses ng mga Pinoy

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 22, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go



Malaking hamon para sa mga pangkaraniwang Pilipino ang magkaroon ng boses para maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga hinaing. 


Hindi ito iba sa sitwasyon ng mga healthcare workers na hanggang ngayon, naghihintay pa rin at paulit-ulit na nagtatanong kung nasaan na ang kanilang HEA o Health Emergency Allowance na pinagtrabahuhan nila noon pang panahon ng pandemya.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, iniaalay ko ang panahon, pati na ang komite na ito bilang kanilang ‘avenue’, para direktang makadulog sa pinakamataas na opisyal ng Department of Health at Department of Budget and Management ang ating magigiting na healthcare workers. Palagi ko ngang sinasabi, services rendered na ang HEA. Pinaghirapan at pinagpawisan na nila ‘yan kaya dapat naman talagang maibigay na sa kanila.


Kaya naman nitong Lunes, May 20, muli nating pinangunahan ang pagdinig sa state of public health services sa bansa, kasama na riyan ang isyu ng HEA. Isa ako sa mga may-akda at co-sponsors ng Republic Act No. 11712, o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances Act na siyang basehan ng ilang benepisyo para sa healthcare workers noong pandemya. Pero hindi nagtatapos sa pagsasabatas ang pagmamalasakit natin sa kanila. Obligasyon ng gobyerno na maimplementa ito! 


a hearing, maraming damdamin ang naantig, kabilang na ako bilang inyong Mr. Malasakit, dahil sa mga kuwento ng healthcare workers na halos mawalan na raw ng pag-asang makuha pa ang kanilang HEA. Kabilang diyan si Rowel Pahati na hindi napigilan ang emosyon at sinabing sila naman dapat ngayon ang gawing prayoridad ng pamahalaan dahil inialay nila ang kanilang mga sarili para sa kaligtasan ng publiko noong pandemya.


Ibinahagi rin natin na noong guest of honor tayo sa Philippine Nurses Association Convention at bisita ng mga barangay health workers sa Laguna kamakailan, iisa ang sigaw ng mga kawani ng kalusugan: “Ibigay na ang HEA! HEA! HEA!”


Bilang lingkod bayan, katuwang nila ako sa pag-apela sa DOH at sa DBM na siguraduhing hindi mauuwi sa wala ang ganitong mga hinaing. Ibinigay nina Health Sec. Ted Herbosa at Budget Sec. Amenah Pangandaman ang kanilang pangako na sa susunod na taon, lahat ng kuwalipikadong healthcare workers ay may HEA na.


Babantayan ng ating komite ang pangako nilang ito alang-alang sa ating mga health worker. 


Bukod sa ating patuloy na pagsisikap at pagmamalasakit na matulungan ang ating healthcare workers, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo saan mang sulok ng bansa sa abot ng ating makakaya. 


Nasa Biñan City, Laguna tayo noong May 18 at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 3,300 senior citizens, na nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa kanilang lokal na pamahalaan kasama sina Mayor Arman Dimaguila, Vice Mayor Gel Alonte, Cong. Len Alonte, Vice Gov. Karen Agapay, at iba pa nilang opisyal. 


Sinaksihan natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Biñan City kung saan nakilala ko ang mga batang magkapatid na sina Sky at Rain Cruz. Dahil nagbebenta sila ng banana cue at camote cue, pinakyaw natin ang kanilang paninda, at pinatingnan sa mga doktor doon ang sakit sa balat ni Sky. 


Nagkaloob tayo ng tulong sa 464 na nawalan ng hanapbuhay sa Biñan City, na bibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho. May higit pang 500 residente ang ating tutulungan sa susunod na mga araw kasama ang DOLE at lokal na pamahalaan.


Naabutan din natin ng tulong ang 150 barangay health workers. Matapos ito ay bumiyahe tayo sa Davao City at dumalo sa ginanap na Vice Mayors’ League of the Philippines Batangas Chapter seminar na idinaos sa Grand Regal Hotel. Bilang adopted son ng CALABARZON, masaya ako na makatulong sa aking mga kababayan doon. 


Bumisita naman tayo sa Navotas City noong May 20 at namahagi ng dagdag na tulong para sa 1,000 residente na nawalan ng hanapbuhay, habang nakatanggap din ng tulong mula sa DOLE. Nagkaloob din tayo ng tulong katuwang sina Mayor John Rey Tiangco at Senator Bato dela Rosa sa 500 mahihirap na residente. 


Sa parehong araw, namahagi ng tulong ang aking opisina para sa mga 906 nawalan ng hanapbuhay sa Las Piñas City katuwang si Mayor Mel Aguilar, bukod sa tulong mula sa DOLE. Bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Sports, sinaksihan ng aking opisina ang pagsisimula ng isang sportsfest sa Mindanao State University sa Dimaporo, Lanao del Norte.


Nasa Iloilo naman tayo kahapon, May 21, at dumalo sa ginanap na 2nd Rose Festival sa bayan ng Anilao, sa paanyaya ni Mayor Nathalie Debuque. Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center. Naging panauhin naman tayo sa Liga ng mga Barangay - Capiz Provincial Congress na ginanap sa Bacolod City sa paanyaya ni Governor Fred Castro. 


Sa araw ding iyon ay idinaos ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Candelaria, Quezon na sinaksihan ng aking tanggapan upang mailapit ang serbisyo medikal sa mga komunidad. 


Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maalalayan ang ating mga kababayang mahihirap tulad sa Isabela kabilang ang 1,000 sa Burgos kasama si Mayor Isis Uy, 1,000 sa Sta. Maria kasama si Mayor Hilario Pagauitan, 1,000 sa Santiago City kasama si Mayor Sheena Tan-Dy, at 1,000 sa Echague kasama si Mayor Kiko Dy; pati na rin ang 1,000 sa Marihatag, Surigao del Sur kasama si Mayor Justin Marc Pelenio. 


Sa Caloocan City ay naayudahan ang 44 residenteng nawalan ng hanapbuhay katuwang si Kagawad Nol Quilinguen. Maliban pa riyan, kasama si Mayor Anthony Uy, nabigyan din ng tulong ang 651 magsasaka sa Impasug-ong, Bukidnon na apektado ng tagtuyot ang kabuhayan.


Bilang inyong senador, magseserbisyo ako sa inyong lahat dahil bisyo ko ang magserbisyo. Bukas ang aking tanggapan at handa akong umalalay sa inyo sa abot ng aking makakaya at kapasidad. Bukod sa pagiging mambabatas, hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin para kayo ay irepresenta at mapaglingkuran.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page