top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Baha pa more sa Metro Manila, ano na?!

BULGAR
Jul 20, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 20, 2022


Matindi ang naging perwisyo sa publiko ng biglaang pagbuhos ng ulan noong Sabado ng gabi na tumagal lamang ng halos tatlong oras, ngunit lumubog sa tubig baha ang maraming kalye sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.


Libu-libong pasahero ang na-stranded at inabot ng madaling araw bago nakauwi sa kanilang tahanan dahil sa kawalan ng masasakyan na nagsitigil sa pamamasada dahil hindi madaanan ang maraming kalsada na lubog sa baha.


May mga lugar na napaulat na hanggang dibdib ang taas ng tubig at may pamilya na kailangan pa ilikas na ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ay isa lamang umanong thunder storm dulot ng habagat.


Nabigla ang marami sa ating kababayan dahil sa kawalan ng konkretong anunsyo na ang naturang pag-ulan ay sentrong bumuhos sa hilagang bahagi ng Metro Manila at ang ilang karatig-bayan sa Bulacan.


Ang masaklap, dahil sa biglaang pagtaas ng tubig, dalawang babae ang iniulat na nalunod na naging sanhi ng kanilang kamatayan sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City.


Sa lalawigan ng Sarangani, umabot sa 200 pamilya ang nagsilikas sa bayan ng Alabel, habang sa bayan ng Maitum ay tinangay ng agos ang ilang bahay at nasa 50 pamilya ang apektado naman sa anim na barangay ng nabanggit ding lalawigan.


Maraming pamilya ang nagsilikas at dinala sa evacuation center sa Barangay Maasin, Zamboanga City at Barangay Manongol, Kidapawan City na inaasahang aabutin pa ng ilang araw bago makabalik sa kani-kanilang tahanan dahil din sa pagbaha.


Kaya agad tayong naghain sa Senado ng resolusyon na naglalayong magsagawa ng legislative inquiry hinggil sa kasalukuyang kalagayan at kung epektibo pa ba ang umiiral na flood control master plan ng pamahalaan, kasama na ang mga nakatengga pang flood control projects.


Dapat magpaliwanag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kung bakit nangyari ang biglaang pagbaha na ikinapahamak ng marami nating kababayan sa kabila ng kanilang paghahanda.


Hindi nila ito maitatanggi dahil bukod sa opisyal na ulat mismo ng kanilang mga tanggapan ay santambak ang naglabasang iba’t ibang insidente ng pagbaha sa social media na mismong residente ang nag-upload para maiparating sa kinauukulan ang kanilang sakripisyo.


Sa totoo lang, hindi na bago sa ating mga kababayan ang makaranas ng pagbaha, ngunit tila mas lumalala ang problema taun-taon, lalo pa’t nakararanas na tayo ng climate change kaya may mga lugar na dating hindi binabaha pero ngayon ay binabaha na at delikado ang ganitong sitwasyon.


Tanggap natin na dahil sa geographical position ng ating bansa, humigit-kumulang sa 20 bagyo ang dumaraan sa ating Area of Responsibility (AOR) kada taon at karaniwan-bukod sa dalang malakas na hangin ng bagyo ay may bitbit ding malakas na pagbuhos ng ulan kaya lantad ang maraming lugar sa pagbaha.


Ang sinasabi natin, parang hindi tayo natututo, sa dami ng mga nagmarkang bagyo sa bansa tulad ng Ondoy at Yolanda na hanggang ngayon ay hindi pa rin napipila ang sugat na iniwan nito sa kaisipan ng ating mga kababayan.


Itong DPWH at MMDA at iba pang ahensya ng pamahalaan ay inatasang ipatupad ang ‘Flood Management Master Plan for Metro Manila and Surrounding Areas Project’ sa pakikipagtulungan ng local government units na kaya nga nais ko silang ipatawag ay upang matiyak natin kung sila ba ay tumugon.


Ilang araw bago ang nagdaang pagbaha nitong Sabado ay nagpatawag pa ng press conference ang mga ahensya na ito ay buong giting na ipinagmamalaki ng DPWH ang kabuuan ng 13,224 flood control structures sa buong bansa sa nagdaang anim na taon.


Hindi rin nagpahuli ang MMDA at buong tikas namang inihayag na handang-handa na ang kanilang ahensya dahil ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) ay handang-handa rin na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan.


Pero ilang araw lang ang lumipas ay inihayag na ng panahon na ang sinasabi ng dalawang ahensya ay tila taliwas sa totoong nangyayari at ang flood control management master plan ng pamahalaan ay tila hindi na epektibo at kailangan ng isaayos na akma sa kasalukuyang panahon.


Nakapanghihinayang na bilyun-bilyong taunang pondo ang inilalaan sa DPWH at MMDA na kung ibabase natin sa naranasan nating pagbaha noong Sabado ay tila hindi epektibo ang kanilang mga ginagawa at sayang lang ang pondo.


Marami pa naman tayong kababayan ang naniwala sa kanilang anunsyo na 100 porsyento silang nakahanda laban sa baha kaya marami ang nag-relax, kaya ang resulta ay marami ang napahamak—sana hindi na lang nag-anunsyo, baka mas nakatulong pa.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page