Bagong liga na Filbasket abangan sa Batangas
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 30, 2021

Aabangan ang nalalapit na pagbukas ng Filbasket, ang pinakabagong liga ng basketball sa bansa na itinatag para buhayin muli ang laro na pinakamalapit sa puso ng mga Pinoy. May 11 koponan na nakatakdang magsagupaan sa pambungad na torneo na gaganapin sa isang bubble sa Splendido Taal Golf and Country Club sa Laurel, Batangas.
Binubuo ang Filbasket ng Cocolife-Davao Occidental Tigers, Go For Gold-San Juan Knights, Sta. Lucia-Pasig Realtors, MJAS Zenith, 7A Primus, MTrans Buracai de Laiya-Batangas City, Burlington-EOG Sports, FSD Army-Makati, Muntinlupa Defenders, Almeria International Construction at isa pang koponan na ipapakila sa mga susunod na araw. Nakatakdang maglaro sana ang ika-12 koponan na galing Canada subalit nagbago ang kanilang plano bunga ng paghihigpit sa paglakbay palabas at papasok ng bansa.
Ang paglikha ng trabaho hindi lang para sa mga atleta kundi pati na rin ang lahat ng may kinalaman sa Basketball ang pangunahing layunin ng Filbasket. Nilinaw na ang liga ay amateur at gagamitin ang FIBA Rules.
Ngayon pa lang ay malaki ang inaasahan sa Filbasket dahil buhat noong binuksan ang kanilang Facebook noong Hulyo ay nakaakit ito agad ng mahigit 30,000 likes. Malaking dahilan dito ay nakuha ng liga ang mga gustong marinig at hinihanap ng mga tagahanga sa kanilang mga pahayag.





Comments