Bagong elected officials, oras na para tuparin ang mga pangako
- BULGAR

- Jul 1
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 1, 2025

Ngayong Hunyo 30, 2025, higit 18,000 halal na opisyal ang pormal nang uupo sa kani-kanilang puwesto. Pero bago pa man makaupo, handa na ang publiko na sila’y singilin — hindi sa buwis, kundi sa mga pangakong kanilang binitiwan noong kampanya.
Ang hiling ng maraming Pilipino ay simple lamang, ang tuparin ang kanilang ipinangako. Mula sa mas maayos na kabuhayan, abot-kayang presyo ng mga bilihin, trabaho para sa lahat at maging ng mga kabataan — mga bagay na paulit-ulit nang ipinapangako tuwing eleksyon pero madalas nauuwi sa wala at paasa lamang.
Ayon kay Prof. Maria Fe Mendoza ng UP NCPAG, mahalagang paalalahanan ang mga halal na opisyal na accountable sila sa mga mamamayan.
Aniya, isang positibong senyales, ang pagboto ng mga kabataan na umabot sa 31 porsyento, na umano’y nakapagpabago ng takbo ng resulta ng halalan. Ang mga kandidatong hindi inaasahang manalo ang siyang nanguna, bagay na nagpapakita ng pag-asa para sa mas makabuluhang pamumuno.
Dagdag pa rito, nagkaroon ng 155 additional na opisyal dahil sa mga bagong lalawigan at walong bagong bayan. Karamihan naman sa mga uupong opisyal ay maninilbihan ng tatlong taon, habang ang 12 senador ay may anim na taon sa panunungkulan.
Subalit, kung gaano kabilis ang pangako noong kampanya, ganoon kabagal minsan ang pagkilos pagkatapos manalo.
Mula sa barberya, eskinita, hanggang sa bangketa, iisa ang pakiusap ng mamamayan – “tuparin ang mga ipinangako ninyo”. Hindi lang ito usapin ng performance, kundi ng tiwala. Kapag ang salita ay hindi sinundan ng gawa, nawawala ang dignidad ng serbisyo-publiko.
At sa isang bansang laging humaharap sa krisis sa ekonomiya, trabaho, kalusugan, hindi na kayang palampasin ng taumbayan ang mga kinakalawang na pangako. Dahil ang tunay na sukatan ng lider ay hindi kung gaano siya kagaling magsalita, kundi kung paano niya tinutupad ang mga binitiwang pangako.
Sa ganang akin, panahon na ng paniningil — hindi ng away, kundi ng pagkilos. Marahil, ang halalan ay hindi katapusan ng laban, kundi simula ng tunay na pagsubok sa mga bagong halal. Pero ang mas mahalagang simulan na ng taumbayan ang pagbabantay sa mga bagong uupo sa puwesto. Kung hindi tayo lilingon sa ating karapatan, paulit-ulit lamang tayong mabibigo at paaasahin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments