Bagong diskarte kontra COVID-19, gawin na ng DOH
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 22, 2021
PARA MAALIS ANG TAKOT NG MAMAMAYAN SA DAMI NG NAGKAKA-COVID, DAPAT ITALA NG DOH ANG BILANG NG MGA ASYMPTOMATIC AT MILD CONDITIONS—Sobrang natakot ang publiko sa inilabas na data ng Department of Health (DOH) na sa loob lang ng isang araw, noong August 20, 2021 ay 17,231 ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa.
Huwag sanang mangyari, pero kung hindi maiiwasan at palaging ganyan na karami ang araw-araw na itatala ng DOH na tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, magdudulot talaga ‘yan ng takot sa mamamayan.
Para maalis ang takot ng publiko, ang dapat gawin ng DOH ay itala na rin nila sa kanilang daily datos ang bilang ng mga asymptomatic, mild condition at severe o malala ang kondisyon kasi sa totoo lang, mas marami ang asymptomatic at mild ang kondisyon sa mga nagkaka-virus, at maliit na porsiyento lang ang severe ang kondisyon, period!
◘◘◘
DAPAT GUMAWA NG IBANG DISKARTE ANG DOH SA LABAN SA COVID-19 AT HINDI ‘YUNG ROLE NILA AY PARANG TAGABILANG LANG NG DAMI NG MGA NAGKAKA-COVID—Dapat gumawa ng ibang diskarte ang DOH sa pag-aanunsiyo sa publiko tungkol sa COVID-19 updates sa bansa.
Ang nangyayari kasi sa ngayon sa gawa ng DOH ay parang ang role lang nila sa laban sa COVID-19 ay tagabilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 at namamatay sa virus sa bansa, boom!
◘◘◘
ASYMPTOMATIC AT MILD CONDITIONS, DAPAT SA QUARANTINE FACILITY I-ADMIT AT GAMUTIN PARA HINDI MAPUNO ANG MGA OSPITAL—Halos puno na ang mga ospital, hindi lang dahil sa mga nagkaka-COVID, kundi pati sa mga kababayang inaatake ng iba’t ibang uri ng sakit tulad ng atake sa puso, stroke, dengue, paglala ng kanser at iba pa.
Para hindi mapuno at mag-collapse ang serbisyo ng mga ospital, ang dapat gawin ng DOH ay sa quarantine facilities gamutin ang mga asymptomatic at may mild conditions, at ang tanging i-admit sa pagamutan ay ang severe o malala na ang kondisyon.
Kapag ganyan ang ginawang diskarte ng DOH, maseserbisyuhan nang maayos ng mga health workers ang mga malala ang kondisyon sa COVID-19 at iba pang may sakit na magdudulot upang maraming buhay ang maisalba sa kamatayan, period!
◘◘◘
TAMA ANG DESISYON NG PHILHEALTH NA IMBESTIGAHAN ANG MGA OSPITAL NA AGAD ITINATALANG COVID PATIENTS ANG MGA NAGKAUBO AT SINIPON LANG—Iimbestigahan ng PhilHealth ang mga ospital na itinatalang COVID-19 patients ang mga pasyente nilang nagkaubo at sinipon lang, para makakuha ng malaking reimbursement sa PhilHealth.
Aba’y dapat lang imbestigahan ‘yan kasi baka ‘yan ang sanhi na ang mga inubo at nagkasipon ay itinatala agad na COVID-19 patients na siyang dahilan kaya ang daming COVID-19 cases ang naitatala ng DOH araw-araw, boom!





Comments