top of page

Bago pa nabugbog… ANA, TINUTUKAN NG KUTSILYO SA LEEG NI KIT NANG MAG-AWAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 4, 2022
  • 4 min read

ni Julie Bonifacio - @Winner | April 4, 2022



More shocking revelations ang pinakawalan ng controversial sexy star na si Ana Jalandoni sa exclusive two-part interview sa kanya ni King of Talk Boy Abunda sa latest vlog nito titled The Interviewer: The Ana Jalandoni Story on YouTube last Saturday.


Detalyado ang sunud-sunod na pangyayari sa kuwento ng love affair ni Ana sa boyfriend niyang si Kit Thompson bago pa naganap ang iskandalong kinasangkutan nila sa isang hotel sa Tagaytay City last March 17.


Ayon kay Ana, nagsimula ang kuwento nila ni Kit via Instagram. Nagpadala raw si Kit ng message kay Ana at nagpakilala.


Totally clueless naman daw si Ana kung sino si Kit kaya ‘di niya agad ni-reply-an.


Hanggang sa nagtanung-tanong daw si Ana sa mga kaibigan niya kung sino si Kit. Ang akala pa ni Ana dati ay gay ang aktor.


Pagkatapos ay nasundan pa raw ng series of messages ‘yun kung saan nire-request ni Kit na magkita sila nang personal.


Hanggang sa sumapit ang unang araw ng pagkikita nina Ana at Kit noong October last year. Personal na sinadya ni Kit si Ana sa bahay ng sexy star sa Molino, Cavite at doon nagkuwentuhan daw sila for six hours.


Naging very open si Kit kay Ana sa past relationships at ang tunay na dahilan ng pagpunta ng aktor sa Amerika pagkatapos sumali sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother noong 2012.


Tanong ni Kuya Boy kay Ana, “Pagdating sa ‘yo, did you tell him na in 2017, you got married and you separated in (January) 2018? Paano mo sinabi? At ano ang naging reaksiyon niya?”

“Actually, he knows me before pa, and he knows my ex din. Kasi ‘yung ex niya (Kit), nakakasama ‘yung ex-husband ko before. They’re going out. So parang, small world. Ako, hindi ko sila kilala, pero sila, kilala nila ako.”


Shocked daw si Kit nu’ng malaman niya na nagpakasal na si Ana. At alam daw ni Kit na malalim ang relasyon ni Ana sa ex niya.


Nalaman ni Kit ang kuwento ni Ana at ng ex-hubby niya dahil naman sa ex ni Kit, na ipinagtataka naman daw ni Ana kung bakit ikinukuwento o napapag-usapan siya ni Kit at ng ex-girlfriend ng aktor.


Si Kit daw ang nagsabi kay Ana na kilala ng aktor ang ex-hubby niya, na sa unang pagkakataon ay nabanggit ni Ana ang pangalan ng kanyang ex at nature ng trabaho nito.


“Nagsabi kasi siya (Kit) sa akin na, ‘Kilala ko si Renan (ex-husband ni Ana).' Nagulat ako sa kanya. Sabi ko, ‘Bakit?’ Sabi niya, ‘Kasi ‘yung ex ko, nakakasama ‘yung ex mo before,” kuwento ni Ana.


Nag-chat daw ang ex-husband ni Ana nu’ng malaman nito ang ginawa ni Kit na pananakit sa kanya.


“Nag-chat siya sa akin, dito sa Pilipinas. He’s here. He’s running for vice-mayor,” naputol na sabi ni Ana.


So, meaning, politician ang ex-hubby ni Ana?


Ni-research namin ang pangalang Renan na sinabi ni Ana na tumatakbong vice-mayor at nalaman namin na si Renan Morales pala ito na kasalukuyang councilor sa San Antonio, Nueva Ecija.


Kilala rin si Renan bilang ‘Bespren ng Bayan’ at na-link kina Arci Muñoz, Andrea del Rosario, Juliana Palermo at Jeni Hernandez.


Siya rin ang anak ng nag-produce ng show ni Kris Aquino na Trip ni Kris sa GMA-7 na si Mrs. Rhodora Morales.


“Hindi namin talaga siya sinet sa Amerika (ang kasal niya with her ex-hubby). It’s a surprise wedding. Nandoon kami for vacation. And then, sabi niya, 'Papakasalan na kita.' Tapos kinabukasan, ikinasal na kami,” kuwento ni Ana about her ex-husband.


Bago pa man daw sila ikinasal ay may mga isyu na sila ng kanyang mister, kaya gusto na raw niya talagang makipaghiwalay. 'Yun daw ang dahilan kaya niyaya si Ana ng ex-hubby niya na magpakasal na sa US.


Sabi ni Kuya Boy, “So, ‘yung kuwento ng ex niya (Kit) tungkol sa ‘yo did not include that detail that you got married. So, na-surprise siya, ‘Nagpakasal ka pala?’ Kahit kilala niya si Renan?”

Tumango naman si Ana sa sinabi ni Kuya Boy. At ang naging reaksiyon daw ni Kit, “Ah, ikinasal ka na pala? Hindi halata, ha?’ sabi niya sa akin. Sabi ko, ‘Oo, pero matagal na ‘yun.'”

Tanong ulit ni Kuya Boy kay Ana, “Maayos ba kayo ni Renan?”


“Ngayon? Yeah, magkaibigan,” tugon ni Ana.


In fact, galit daw ang ex ni Ana sa ginawa ni Kit sa kanya. Nakapag-usap daw sina Ana at Renan after the incident.


Incidentally, ang ex-husband ni Ana ang siya ring ugat ng unang away nila ni Kit after maging sila officially noong November 8 last year.


Nagbibiruan daw sila ni Kit tungkol sa mga ex nila at doon nabanggit ni Ana na si Renan ay taga-Nueva Ecija.


“Parang nasabi ko na, ‘O, sige na, ihatid mo ako sa Nueva Ecija.’ Pero masaya kami nito, ha? Nagalit siya sa akin, ‘Ano ang sabi mo?' Doon ko na nakita na may pagka-agresibo na kapag hindi niya nagustuhan ang sinabi mo, nagagalit siya nang mabilis,” lahad ni Ana.


Nasundan pa ang pag-aaway nila sa loob ng bahay ni Ana at doon itinutok daw ni Kit ang hawak nitong kutsilyo sa leeg ng sexy star.


At ang pangatlong insidente raw na pag-aaway nila ay nu’ng sampalin siya ni Kit habang umiidlip sa kama dahil sa sobrang pagod habang nagbabakasyon sila sa Palawan.


Sa tuwing napapatawad daw niya si Kit ay lagi nitong sinasabi na magbabago na. Pero, hindi naniniwala si Ana.


Sa part 2 ng exclusive interview ni Kuya Boy kay Ana ay mas dapat pang tutukan dahil marami pa raw mare-reveal at ang very emotional moments ni Ana during her interview with Kuya Boy.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page