top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bago nahuli at nakulong… OGIE, NALOKO NG P5 MILYON NG EX-MISIS NI TERRENCE ROMEO

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 14, 2022
4 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | January 14, 2022




Finally, nagkuwento na ang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz kung paano nagkautang sa kanya si Beatrice Pia White na ex-wife ng PBA player na si Terrence Romeo.


Sa Facebook account ni Ogie ay marami siyang mga pinariringgang tao na sana, bayaran na ang utang sa kanya dahil kailangan din niya ng pera.


Hanggang noong nakaraang araw ay nag-post si Ogie na nahuli na ang taong may pagkakautang sa kanya, si Pia at ang assistant nitong si Efcel Reyes.


Kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame sina White at Reyes sa kasong extortion, carnapping at paggamit ng iba’t ibang pangalan. Natimbog sila sa pamamagitan ng entrapment nitong Enero 10, Lunes.


Kasama sina Mama Loi at Mrena ay ikinuwento na ni Ogie sa kanyang YouTube channel kung paano sila nagkatagpo ni Beatrice Pia White o mas kilala bilang si Pia White.


Sabi ni Ogie ay ang dating sportswriter na si Nap Gutierrez ang nagpakilala sa kanya kay Pia dalawang taon na ang nakararaan.


“Ako naman si gaga, nagtiwala. Sabi ni Nap, 'Gusto mong mag-invest sa kanya? Meron siyang chicken farm. Parang 30% yata in one month.'


“Sa madaling salita, nagkita kami ni Romeo (Pia), nag-treat pa nga siya sa Gloria Maris sa Greenhills. Isip ko, ‘Sosyal pala ito, mayaman.’


“Tapos, meron din siyang call center daw, tapos kung anu-ano na ang inaayuda sa akin, ipinadadala. Ako naman, nagtiwala tulad din ng pagtitiwala ng iba na sa unang basa mo pa lang ay mukhang mabait ito, mukhang mayaman, mukhang hindi ito gagawa ng kagagahan.


So, pinagkatiwalaan ko. Nag-invest ako, so, umabot nang milyon,” detalyadong kuwento ni Ogie.


Biro ni Mama Loi, “Hindi lang isa, hindi dalawa at tatlo.”


At inamin nga ng manager ni Liza na savings niya ang ipinang-invest niya sa chicken farm pero hindi ito dahilan para maghirap siya.


Ilang buwan ding regular ang pagbibigay ni Pia ng porsiyento kay Ogie sa pamamagitan ng tseke na good lahat, hanggang sa nadi-delay na at dito na nagtanong ang huli kung bakit may lapses na.


Ang sagot daw ni Pia, "Hindi, iaabot sa ‘yo ni Krissy (hipag daw ni Terrence Romeo)."


Pero nagkaroon daw ng isyu 'yung Krissy kay Pia kaya nawala ito at pumalit nga si Efcel Reyes.


“So, nanganak nang nanganak ‘yung utang sa akin, pero nag-stop na ako. Meron siyang utang sa akin na mga P5 million.”


At dahil laging puro pangako ang sagot kay Ogie nitong Pia ay nakiusap ang una kay ‘Nay Cristy na siya na lang ang maningil dahil nagkakausap naman sila.


“So, sabi ni Ate Cristy, ‘Huy, bakit ayaw mo bayaran si Ogie, P5.5 million pa utang mo!'"

Sabi raw ni Pia, “Hindi, ‘Nay, four million na lang!"


Kaya ipinarating naman kay Ogie na apat na milyon na lang ang utang nito.


Pagod na raw si Ogie na maghintay ng mga pangako kaya pumayag na lang siya kung magkano ‘yung sinabi ni Pia para mabawi ang pera niya.


Pero wala pa ring bayad na nakuha si Ogie kaya nagsabi siya kay Pia na ipo-post na lang niya ito sa FB, pero nakiusap daw.


Saka, inalok ni Pia ang lote sa Sun Valley, Antipolo na ang kuwento ay nawawala naman ang titulo.


Si Ogie na raw ang nag-ayos ng mga papeles mailipat lang sa kanya ang titulo at umabot na sa P278 K ang nagastos niya, pero ang ending, 'di raw pala nawawala ang titulo kundi naka-double selling ito sa isang pinagkakautangan ni Pia ng worth P27 million.


Hanggang sa inalok na rin sa kanya ang isa pang lupa sa Lopez, Quezon na pinagtatamnan daw ng palay na limang oras ang biyahe mula Quezon City hanggang doon.


“Sabi ko, ‘Ayaw ko na ng lupa, ang layu-layo na nu’n.’ Tapos sabi niya, 'Every ani na lang, bibigyan ka namin ng P50K.' Hindi natupad ang mga P50K.


“Tapos, itong huli bago sila nasakote, pinangakuan pa ako ng sampung kaban na tig-50 kilos na ani mula sa Lopez, Quezon, pero waley!


“Hanggang sa nabuwisit na nga ako, ipinost ko na! So, mga two days after, ayan, na-entrap yata sila, na-Julie Yap Daza (gay lingo), nahuli, so, nandoon (kulungan) sila ngayon.”


Si Ogie kaya ang nagpahuli kina Pia at Efcel?


“Hindi, ah! Hindi po ako mapagganting tao, kung ano po ‘yung ipapahintulot sa ‘yo ng tadhana ay 'yun siguro ang nakalaan para sa ‘yo. Gusto ko na ngang mag-move on, eh. Saka naman nabalitang nahuli na nga si Pia White at si Efcel,” katwiran nito.


Noong nag-uusap pa raw sina Ogie at Pia ay pinangaralan niya ito na huwag ubus-ubos biyaya at kapag pinagkatiwalaan sa pera ay 'wag sasayangin.


Aniya, “Napakahalaga po talaga ng reputasyon lalo’t may pamilya ka, kasi ‘yung integridad at dignidad mo sa buhay, ‘yan ang maipamamana mo sa mga anak.


"Kaya ‘yan ang lagi kong sinasabi kay Pia na hindi ako nagkulang sa kanya ng pangaral. Kaya ngayon, kapag may lumalapit sa akin na mag-invest na lang, sabi ko, magkape na lang tayo.


Ililibre kita ng kape.”


Sa kasalukuyan ay wala pang statement mula sa ex-husband ni Pia na si Terrence Romeo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page