top of page
Pokwang.jpg

Bago na ang taon, magbago na rin dapat ng istayl ang mga cong., period!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 8, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | January 8, 2021



Totoo kayang tinatangka ng ilang kongresista na kikilan ang ilang korporasyon o pribadong kumpanya gamit ang pananakot sa committee hearing?


Sinasabing kung hindi binalasa ang Kamara ay maaaring makalusot ang modus-operanding ito!


◘◘◘


Hanggang ngayon ay patuloy ang patutsada kay Speaker Lord Alan Velasco ng mga dating may hawak ng poder sa Mababang Kapulungan.


Kumbaga, hindi pa rin mapakali ang “ampalaya boys”!


◘◘◘


Maraming kathang-isip ang ibinabato sa bagong liderato ng Kamara pero dinededma lang sila ni Velasco.


Maraming trabaho ang dapat harapin ng Kamara sa gitna ng pandemic!


◘◘◘


Ipagdasal nating matauhan ang nagdedeliryong ilang ayudante ni dating Speaker Peter Alan Cayetano at pag-ukulan ang solusyon sa problema sa bansa.


Maaaring bunga lang ito ng mapait na pagkawala ng kanilang posisyon nang magpalit ng lideratura sa Kamara!


◘◘◘


Panay pa rin ang patutsada nina Rep. Mike Defensor Rep. Jonathan Sy Alvarado, at pati na rin ni Cayetano kay Velasco.


Lumalabas tuloy silang “bitter” dahil sa mga patutsada nila.


Dapat magkaisa na ang mga kongresista!


◘◘◘


Kamakailan ay sinabi ni Cayetano na napilitan si Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang pangalan ng mga kongresistang diumano’y sangkot sa korupsiyon dahil pinigilan aniya ni Velasco na mag-hearing ang Kongreso tungkol dito.


Ibinida ni Cayetano na bago sila masibak sa puwesto ay nakaamba ang komite nila Alvarado at Defensor na mag-hearing tungkol sa mga katiwalian ngunit pinigilan daw ito ni Velasco.


Hindi nga?


◘◘◘


Pero sa 20 na nakahain sa Committee on Good Governance and Public Accountability (as of December 16, 2020) na pinangungunahan noon ni Alvarado, isa lang ang naka-schedule na imbestigasyon tungkol sa korupsiyon.


Bukod sa pagdinig sa mga anomalya sa PhilHealth, walang nang iba pang pagdinig sa Kongreso tungkol sa mga katiwalian sa gobyerno!


◘◘◘


Matatandaan pa na bago pinangalanan ni Pangulong Duterte ang mga kongresista ay nag-press release pa si Defensor na manahimik na lang si PACC Chair Greco Belgica at kasuhan na lang ng PACC sa korte ang mga kongresista.


Bakit ngayon ay parang gusto nilang maging bida?


◘◘◘


Tumpak si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza sa pagsasabing fake news ang ipinapakalat ng napatalsik na speaker.


Bumanat pa si Defensor na tila raw ay iniiwasan ni Velasco na magkaroon ng anumang pagdinig sa Kongreso!


◘◘◘


Pero ang ugung-ugong sa Batasan ay hindi nagustuhan ni Velasco ang style ng grupo nila Defensor at Alvarado sa paggamit sa mga hearing upang “gipitin” ang mga kumpanya.


Ito kaya ang dahilan kung bakit ipinagpaliban muna ni Speaker Velasco na magkaroon ng anumang imbestigasyon noong December 2020?


◘◘◘


‘Yan din kaya ang dahilan kung bakit sinibak sa puwesto sina Defensor at Alvarado?


Naka-calendar na kasi sa Committee on Good Government and Public Accountability ang pagdinig sa MERALCO, MWSS, at mga bangko bago napaalis bilang Committee Chairman si Alvarado!


◘◘◘


Bago na ang taon, dapat magbago na rin ang estilo ng ating mga mambabatas sa Kongreso.


Imbes na magiyera-patani, mas mainam ay unahin ang kapakanan ng bansa.


Tsk-tsk-tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page