Bago ang pasukan… 100 dating ruta, target na buksan ng LTFRB
- BULGAR
- Aug 10, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | August 10, 2022

Target na buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit sa 100 dati nang ruta bago pa ang pag-resume ng klase sa Agosto 22.
Sa isang interview, sinabi ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil na kailangan lamang mag-apply ng mga drayber at operators ng bagong prangkisa para makabiyahe ulit sa mga dating ruta.
Ayon kay Garafil, hinihintay din ng ahensiya ang approval sa rekomendasyon na madagdagan ang mga bus na bumibiyahe sa EDSA Bus Carousel.
Samantala, sinabi ni Garafil na dalawang linggo na lamang ang hindi pa nababayaran sa mga bus operator na kabilang sa Libreng Sakay program ng gobyerno.
Una nang tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na magiging sapat ang mga pampublikong transportasyon para sa mga estudyante kasabay ng pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Kaugnay nito, naghahanda na rin ang Pasig River Ferry Service (PRFS) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga estudyante sa pagsisimula ng klase.
Karamihan sa mga mananakay ng ferry service ay mga estudyante at mga empleyado sa mga paaralan na nasasakop ng university belt sa Maynila.
Ayon kay Irene Navera ng PRFS, mula sa anim na ferry ay gagawin na itong siyam sa katapusan ng Agosto para na rin mas maraming maisakay na mga estudyante.
Sinabi pa ni Navera na may bagong ferry rin umanong ibinigay ang isang telecommunications company na may kapasidad na 150 seats habang ito ay fully air-conditioned.
Paalala naman ng PRFS sa lahat ng pasahero na patuloy na sumunod sa health protocols at laging dalhin ang kanilang ID at vaccination card para makasakay ng ferry.
Kommentare