Badboy MJ, inangkin ang panalo sa 3-YO
- BULGAR
- Aug 8, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 08, 2023
Napanood ng mga karerista ang galing ng Badboy MJ sa pista matapos nitong angkinin ang panalo sa katatapos na 2023 PHILRACOM 3-Year-Old Sprint Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas, Linggo ng hapon.
Humarurot sa largahan pero pumuwesto lang muna sa tersero ang Badboy MJ na sinakyan ni jockey PJA Guce habang nasa unahan nila ang nagbabakbakan na Sandigan at Borrowed Heaven.
Papalapit ng far turn ay kumuha ng segundo puwesto ang Badboy MJ at papasok ng huling kurbada ay nasa unahan na ang winning horse.
Hindi naman basta naupos si Sandigan kaya nagpumilit pa itong makadikit sa unahan subalit ayaw magpa-awat sa pag-arangkada ng Badboy MJ at nanalo ito ng may anim na kabayo ang distansiya.
Inirehistro ng Badboy MJ ang tiyempong :59 segundo sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si FB Dela Cruz ang P900,000 premyo.
Nasikwat ng segundong Sandigan ang P337,500, napunta naman sa 3rd at 4th placers na Light Bearer at Boat Buying ang P187,500 at P75,000 ayon sa pagkakasunod.
Naibulsa naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P75,000 habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, inihahanda ang Badboy MJ sa kanyang susunod na laban kaya tiyak na aabangan ito ng mga karerista.





Comments