Main Event at money for Biffany, patok sa Maiden Race
- BULGAR
- Oct 28, 2021
- 2 min read
Updated: Oct 31, 2021
ni Green Lantern- @Renda at Latigo | October 31, 2021
Pambungad na karera ngayong araw ang bakbakan ng mga bagitong kabayo sa 2-Year-Old Maiden Race na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Anim na kabayo ang magtatagisan ng bilis pero apat lang ang numerong pagpipilian dahil couple entries ang iba. Inaasahang bebenta sa takilya ang magka-kuwadrang Main Event at Money For Biffany sa event na may distansyang 1,200 meter race at posibleng maging mahigpit na karibal ang Bocaue Rivertown na rerendahan ni jockey JA Guce.
May added prize na 10,000 sa unang kabayong tatawid sa meta, sasakyan ni Patty Dilema si Main Event habang si CV Garganta ang sasakay kay Money For Biffany.
"Magandang laban pa rin yan, makikita natin kung gaano kahusay ang mga bagong kabayo ngayon," saad ni Ringo Trinidad, karerista.
Ang ibang kalahok sa karera na bibitawan sa Race 1 ay sina Little Ms. Saturday at magkakamping Tangadan Falls at Matukad Island. Pagkatapos ng laban, sunod ang 3-Year-Old & Above Maiden Race.
Pareho ang distansyang tatakbuhin at dagdag premyo, pero 7 kabayo ang magbabanatan. Sina Successful Affair at She Is Rich Enough ang posibleng maging liyamado.
Makakalaban nina Successful Affair at She Is Rich Enough sina Vitobeto, Always Somewhere, Awesome Cole at magka-kuwadrang French Leather at With Integrity.
Inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ang dalawang Maiden races.
Samantala, nakitaan ng husay si Black Magic Wowan nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Biyernes ng hapon.
Dumaan sa butas ng karayom bago nasilo ni Black Magic Woman ang panalo, kalahating kabayo lang ang agwat sa nasegundong Luyang Cave. Nirendahan ni JD Flores, nilista ni Black Magic Woman ang 1:24 minuto sa 1,300 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner ang added prize na P5,000.





Comments