- BULGAR
Babanat uli ang Golden State Warriors sa NBA Summer Leagues
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 3, 2022

Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas buhat noong makoronahan at ngayon ay balik trabaho ang World Champion Golden State Warriors sa pagsabak sa 2022 California Classic simula ngayong Linggo at Lunes, ang hudyat ng simula ng mga NBA Summer Leagues.
Susundan ito agad ng mga torneo sa Salt Lake City, Utah at Las Vegas Nevada upang mapawi ang uhaw ng mga tagahanga na mapanood ang mga idolo.
Magsisilbing host ang Warriors sa mga bisitang Los Angeles Lakers, Miami Heat at Sacramento Kings. Tiyak na tututukan ng mga Pinoy ang aksyon dahil nasa coaching staff ng Heat si Coach Tim Cone ng Barangay Ginebra habang nasa Kings si Coach Jimmy Alapag.
Unang haharapin ng Warriors ang Kings kasunod ng pambungad na tapatan ng Lakers at Heat. Magpapalit sila ng kalaro at magkikita ang Warriors at Lakers at Heat kontra Kings sa Lunes.
Maglalaro sa Salt Lake City ang host Utah Jazz at kanilang mga bisitang Memphis Grizzlies, Oklahoma City Thunder at Philadelphia 76ers. Maglalaro ng single round robin ang apat na koponan mula Hulyo 7 hanggang 9.
Matapos ang dalawang mini-tournament ay bubuksan ang 2022 NBA2K23 Summer League sa Las Vegas na lalahukan ng lahat nang 30 koponan. Bubuksan ang liga sa Hulyo 7 sa laban ng Orlando Magic at numero unong pinili sa 2022 NBA Draft Paolo Banchero at Houston Rockets at #3 rookie Jabari Smith.
Sa gitna ng pagkabigong mapili sa nakalipas na rookie draft ni Kai Sotto, ikinuha ng Toronto Raptors para sa Summer League si Ron Harper Jr. Siya ang anak ng five-time NBA champion Ron Harper ng Chicago Bulls at Lakers at ng kanyang asawang Filipina Maria Pizarro.