Babalik ang mainit na mga laro sa Alcantara Cup
- BULGAR
- Aug 12, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 12, 2023

Mga laro ngayong Sabado – Rizal Memorial Coliseum
3:00 p.m. Maharlika Manila vs. Manila Digger
5:30 p.m. Kaya Iloilo vs. Loyola
8:00 p.m. Davao vs. Mendiola 1991
Tiyak na mag-iiba ang takbo ng 2023 Copa Paulino Alcantara at maglalaro na ang mga hinihintay na professional club ng Philippines Football League (PFL) sa pangunguna ng Kaya FC Iloilo. Haharapin ng 2023 PFL champion ang Loyola FC sa tampok na laro sa Rizal Memorial Coliseum simula ng 5:30 p.m.
Sa unang laban ng 3 p.m, magsusubukan ang Maharlika Manila ng PFL at Manila Digger.
Ang pangatlo at huling laro ay sa pagitan ng Mendiola FC 1991 at Davao Aguilas-UMak sa 8 p.m.
Nitong linggo, ipinakilala ng Kaya ang kanilang bagong head coach Colum Curtis galing Hilagang Ireland at may malawak na karanasan sa mga pro club sa kanyang bansa, Tsina at Cambodia sa edad na 33. Uupo na si Coach Curtis sa Copa at sa 2023-2024 AFC Champions League sa Setyembre.
Matapos ang bagong coach ay naglabas ng pitong bagong manlalaro ang Kaya sa pangunguna ng mga subok na banyagang sina Ricardo Sendra, Abou Sy at Henri Bandeken na puro beterano ng ibang koponan sa PFL at baguhang si Akito Saito.
Sasamahan nila ang mga bagong pirmang Pinoy na sina Curt Dizon, Mark Swainston at Justin Baas matapos maglaro sa ibang bansa.
Malalaman sa Agosto 24 kung sino ang mga magiging kalaro ng Kaya sa ACL sa opisyal na bunutan. Ito ang pangalawang sabak ng Kaya sa prestihiyosong torneo matapos ang 2021 kung saan nabigo silang mag-uwi ng tagumpay sa anim na laro.
Samantala, aabangan ang unang laro ng magkapatid Olivia McDaniel at Chandler McDaniel ng Filipinas para sa Stallion Laguna kontra defending champion De La Salle University sa PFF Women’s League ngayong Sabado din sa PFF National Training Centre sa Carmona, Cavite simula 6:30 ng gabi.





Comments