Babala sa mga hindi nagbibigay ng sukli
- BULGAR
- Oct 15, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 15, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay madalas mamili sa grocery store malapit sa aking tirahan. May mga pagkakataong kulang ang inaabot na sukli sa akin ng cashier ng nasabing tindahan dahil kulang diumano ang kanilang barya. Ito bang gawain na ito ay masasabi na paglabag sa batas? Maraming salamat sa pagsagot. - Kath
Dear Kath,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4(a) ng Republic Act (R.A.) No. 10909 na kilala bilang "No Shortchanging Act of 2016," kung saan nakasaad na:
“Section 4. Regulated Acts. - It shall be the duty of the business establishment to give the exact change to the consumer without waiting for the consumer to ask for the same.
(a) In General. — It shall be unlawful for any business establishment to shortchange a consumer, even if such change is only of a small amount. Nothing in this Act shall be construed as a restriction for business establishments to give an amount greater than the sufficient change. x x x”
Ayon sa nasabing probisyon, ipinagbabawal ang hindi pagbibigay ng sapat na sukli sa mga mamimili gaanuman kababa o kaliit ang nasabing sukli. Gayunman, maaaring mabigyan ang mga mamimili ng sobra sa kanyang dapat matanggap. Ito ay dahil polisiya ng ating gobyerno na protektahan at isulong ang kapakananan ng mga mamimili. Sa nasabing sitwasyon, kung mapatutunayan ang paglabag sa nasabing probisyon ng batas, maaaring mapatawan ang naglabag nito ng karampatang parusa ayon sa Seksyon 6 ng R.A. No. 10909. Kabilang sa mga parusa na nakapaloob sa batas ang pagpapataw ng multa, pagsususpinde o pagpapawalang bisa sa license to operate ng lumabag na tindahan.
Kaya naman maaari kang maghain ng reklamo laban sa grocery store na iyong binibilhan dahil sa hindi nila pagbibigay ng tamang sukli sa iyo. Alinsunod sa batas, maaari kang maghain ng reklamo sa Department of Trade and Industry.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments