top of page
Search
  • BULGAR

Babala ng bagong hepe

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 10, 2021



May bagong hepe ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar. Pinalitan niya si Gen. Debold Sinas na nagretiro noong Sabado.


Sa totoo lang, dapat matagal nang naging hepe si Eleazar pero marami sigurong dahilan kung bakit may mga inuna muna sa kanya. Sa kanyang talumpati nang inangkin na niya ang posisyon, nangako siya na lilinisin ang hanay ng PNP para mawala ang mga tiwali o scalawags kung tawagin.


Tatangalin din daw niya ang sistemang padrino at korupsiyon na nananatili sa pagtalaga ng mga bagong opisyal sa PNP. “You will hate me”, ang kanyang babala sa lahat ng tiwaling pulis. Binanggit niya na sa taas ng sahod at benepisyong natatanggap ng kapulisan ngayon, marami ang puwedeng pumalit sa kanila. Inamin rin na napakasuwerte nga ng kapulisan ngayon.


Sa totoo lang, ito ang de-kahong unang talumpati ng bawat bagong hepe ng PNP. Pero ang katotohanan ay hindi pa rin nawawala ang masasamang pulis, mataas man o maraming benepisyong natatanggap. Pero gayunman, dapat bigyan ng pagkakataon si Lt. Gen. Eleazar para tuparin ang kanyang ibinahaging pangako.


Binanggit niya na QR code na lang ang magiging pagkakakilanlan ng mga pulis, walang pangalan o litrato, mga kuwalipikasyon lang para mawala nga ang padrino-padrino pagdating sa pagsusuri. Magandang simula, kung talagang maipatutupad at magbibigay ng resulta.

Pero sa tingin natin, ang pinakamahalagang dapat ipatupad ni Eleazar ay ang paggamit ng body cams ng mga pulis. Wala talagang hepe ng PNP ang nagpatupad ng body cams kahit ilang taon nang may pondo at nakabili na nga ng ilang libong gamit.


Ang huling balita ay sinusuri pa ang paggamit pero taon na rin ang dumaan. Tataas talaga ang kilay natin kung bakit ayaw ipatupad ng PNP ang body cams. Ano ang takot nila kung maayos naman ang kanilang operasyon? Sa ibang bansa, ilang beses nahuhuli ang pulis na nagkakamali o gumagawa ng masama dahil sa body cams. Inaasahan nating kung may pulis na papatayin ang kanyang body cam ay may ibang matinong pulis na patuloy na kukuha ng video.


Hindi naman masamang mangarap pero ilang dekada na tayong nangangarap, hindi ba? Dapat ang paggamit ng mga body cams ay kasama sa babala ni Eleazar kung talagang nais ayusin ang imahe ng PNP.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page