top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Azkals vs. Kaya sa COPA Finals; Laguna-Cebu para sa 3rd

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 18, 2021
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 18, 2021





Maghaharap ang Kaya FC Iloilo at Azkals Development Team para sa Copa Paulino Alcantara 2021 finals matapos talunin ang hiwalay na kalaro sa semifinals Martes ng gabi sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite.


Wagi ang Kaya sa Dynamic Herb Cebu FC, 1-0, habang kinailangan ng karagdagang 30 minuto para malampasan ng Azkals ang hamon ng Stallion Laguna FC, 2-1.


Inulo papasok ni Yrick Gallantes ang panalong goal ng Azkals sa ika-116 minuto galing sa pasa ni Oliver Bias. Sa pagbukas ng second half, nagpalitan ng goal sina Abraham Placito ng Stallion sa ika-53 minuto at Jarvey Gayoso ng Azkals sa ika-67 minuto at nanatili ang tabla hanggang matapos ang takdang 90 minuto.


Bago noon, binuhat palabas si Gayoso sa ika-83 minuto matapos matalisod mag-isa habang ibinababa ang bola at nasaktan ang hita. Susuriin pa siya kung papayagan maglaro sa Biyernes.


Sobrang higpit at pisikalan ang sagupaan ng Kaya at Dynamic Herb at nahirapan ang dalawang panig na maka-goal hanggang biglang tinawagan ng hand ball violation si Baris Tasci ng Cebu matapos dumaplis ang bola sa kanyang braso. Walang kabang ipinasok ni kapitan Jovin Bedic ang penalty kick kontra sa dating Kaya goalkeeper Ace Villanueva sa ika-86 minuto at kumapit ang Kaya sa sumunod na nalalabing apat na minuto at idinagdag na apat na minuto upang masiguro ang panalo.


Matatandaan na tinalo ng Kaya ang Azkals sa unang gabi ng torneo, 2-0, noong Nobyembre 7 sa likod ng mga goal sa second half nina Simone Rota at Daizo Horikoshi.


Maglalaro ang Stallion at Dynamic Herb para sa ikatlong puwesto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page