Azkals, sinakmal ang Mendiola para sa semis
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 15, 2021

Naglabas ng kakaibang bangis ang Azkals Development Team at sinakmal nila ang Mendiola FC 1991, 9-0, sa huling gabi ng group stage ng Copa Paulino Alcantara 2021 noong Sabado sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Nagtala ng limang goal si Jarvey Gayoso at nakamit ng Azkals ang ikalawa at huling upuan sa semifinals para sa Group B sabay ng paghatid ng mensahe sa lahat ng koponan na seryoso sila sa layuning magkampeon.
Sinimulan ni Gayoso ang atake sa isang penalty kick sa ika-16 minuto at sinundan niya ito sa ika-35 minuto upang isara ang first half, 5-0. Sa gitna ng kanyang dalawang goal, rumatrat ng tig-isang goal ang mga kakamping sina Dennis Chung (29’), Christian Rontini (33’) at Mar Vincent Diano (35’) sa loob ng nakakahilong siyam na minuto.
Lalong pinalayo ni Gayoso ang laban sa ika-52 minuto at pinalitan si Mendiola goalkeeper Michael Asong subalit hindi nagbago ang timpla ng laro. Ginawaran ng pangalawang penalty kick ang Azkals at walang kabang ipinasok ni Gayoso ang bola kontra sa bagong goalkeeper Jessie Semblante sa ika-73 minuto at tuluyang gumuho ang depensa at tinuldukan nina Gayoso at Sandro Reyes ang laro sa kanilang mga goal sa ika-74 at ika-76 minuto.
Magandang bawi ang tagumpay ng Azkals matapos yumuko sa Kaya FC Iloilo, 0-2, sa pagbukas ng Copa noong Nobyembre 7. Pormal na nakapasok ang Kaya sa semifinals matapos tambakan ang Mendiola, 6-0, noong Nobyembre 10.





Comments