Azkals, pinamaskuhan ng panalo ang 'Pinas vs. Brunei
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 27, 2022

Nag-alay ng maagang pamasko ang Philippine Men’s Football National Team sa pamamagitan ng kumbinsidong 5-1 pagdurog sa bisitang Brunei sa pagpapatuloy ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup noong Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.
Dahil dito, nabuhay ang pag-asa ng Azkals na makapasok sa semifinals at umakyat sa pangalawa sa Grupo A sa likod lang ng defending champion Thailand.
Isang mas agresibong Azkals ang dumating at nagtala ng dalawang maagang goal sina Kenshiro Daniels (7’) at Sandro Reyes (12’). Pagsapit ng second half ay ipinasok ang baguhang si Jens Rasmussen kapalit ni Daniels at lumipas lang ang anim na minuto ay ipinasok ng 20-anyos ang kanyang unang goal para sa Pilipinas, 3-0.
Lalong ginanahan ang Azkals at nakaunang goal din si Jhan Melliza sa ika-51 minuto upang lalong idiin ang Brunei, 4-0, at sapat upang mapiling Man of the Match. Nabigong umuwing malinis si goalkeeper Julian Schwarzer at nakalusot ng isang goal si reserba Razimie Ramili sa ika-70 minuto subalit ibinalik ni Rasmussen ang lamang sa apat sa kanyang pahabol na goal sa ika-87 minuto.
Walang laro ang mga Thai subalit binuksan ng Indonesia ng kanilang kampanya sa 2-1 panalo sa bisitang Cambodia, ang parehong koponan na nagtapal ng 3-2 talo sa Azkals sa unang araw ng torneo. Tabla ang Thailand, Pilipinas, Indonesia at Cambodia sa tig-tatlong puntos subalit pasok sa ngayon ang Thailand at Pilipinas dahil sa mas mataas na goal difference o linamang sa kalaban.
Hahanap na ng milagro ang Azkals sa susunod na laro kontra host Thailand sa laro kagabi Lunes, Disyembre 26 sa Thammasat Stadium. Matinding sakripisyo na hindi nila kasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pasko subalit handa sila na ipaglaban ang bayan.





Comments