Azkals, nilapa ang Maharlika, Kaya Iloilo, nakaangat sa PFL
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 28, 2023

Sumakay ang Azkals Development Team sa dalawang goal ni Andres Aldeguer upang talunin ang Maharlika FC Manila, 4-1, sa 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa Rizal Memorial Stadium noong Sabado. Pinatibay din ng Kaya FC Iloilo ang hawak nila sa liderato matapos ang 4-0 pagdurog sa Mendiola FC 1991 noong Linggo sa Imus Grandstand.
Nagpalitan ng maagang goal sina Dennis Chung ng ADT sa ika-15 at Endo Ndour ng Maharlika sa ika-19 minuto bago bumida si Aldeguer na anak ng dating Basketball player Dino Aldeguer. Winasak niya ang tabla bago magwakas ang first half at dinagdagan ang lamang sa ika-72 bago sinelyuhan ni reserba Patrick Grogg ang resulta sa isa pang goal sa ika-83 minuto.
Nakabawi ang Kaya sa kanilang 2-3 talo sa Dynamic Herb Cebu FC noong nakaraang linggo at binuhos ang sama ng loob sa Mendiola. Binuksan ni Daizo Horikoshi ang pagbaha ng goal sa ika-41 minuto at pagsapit ng second half ay walang nakapigil sa pagragasa ng mga goal nina Jhan Melliza (62’) at Arnel Amita (63’) at ang pandiin ni Dylan Nobiraki sa ika-77 minuto.
Hindi kinuha ng Cebu ang pagkakataon na sumabay sa panalo ng Kaya at nagtapos sa 1-1 tabla ang tapatan nila sa Stallion Laguna FC sa Binan Football Stadium. Bumanat ng paunang goal si Roberto Corsame para sa Cebu sa ika-34 minuto subalit pinantay ito ni Miguel Mendoza ng Stallion sa ika-70 minuto.
Samantala, lalakbay ang Azkals sa Gitnang Silangan para sa dalawang FIFA Friendly.
Unang haharapin ng mga Pinoy ang Kuwait sa Marso 24 sa Kuwait City at susundan ng tapatan kontra Jordan sa Marso 28 sa Doha, Qatar.





Comments