top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Azkals, nabigo sa AFF Electric Cup vs. Thailand

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 28, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 28, 2022



Tumikim ng masaklap na talo ang Philippine Men’s Football National Team sa defending champion Thailand, 4-0, sa pagpapatuloy ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup Lunes ng gabi sa Thammasat Stadium. Hindi nasundan ng Azkals ang kanilang 5-1 panalo kontra Brunei noong Dis. 23 sa Rizal Memorial Stadium.


First half pa lang ay naka-dalawang goal ang alamat na si Teerasil Dangda, ang may pinakamaraming goal sa kasaysayan ng torneo, sa pangatlo at penalty kick sa ika-41 minuto. Sinundan ito nina Adisak Kraisorn (58’) at Suphanan Bureerat (63’) upang makumpleto ng War Elephants ang ikalawang panalo sa torneo.


Ibang-iba ang inilaro ng Azkals sa Brunei kung saan bumuhos ang mga goal nina Kenshiro Daniels (7’), Sandro Reyes (12’), Sebastian Rasmussen (52’ at 88’) at Man of the Match Jhan Melliza (50’). Dahil natalo sa Thailand, kailangan magwagi ang mga Pinoy kontra sa Indonesia sa huli nilang laro ngayong Enero 2 sa Rizal Memorial Stadium upang magkaroon ng pagkakataon na makasingit sa semifinals.


Ang dalawang laro sa Mitsubishi Electric Cup ay halimbawa ng pagtaas at paglubog ng Azkals sa nakalipas na 2022. Maganda ang simula sa 31st SEA Games noong Mayo at tinalo ang Timor Leste, 4-0 at sinundan ng 0-0 tabla sa host at defending champion Vietnam subalit biglang naglaho ang pag-asa na mag-uwi ng medalya sa magkasunod na talo sa Myanmar at Indonesia.


Hindi rin nakabalik ang Azkals sa AFC Asian Cup at nadapa sa 2023 qualifiers noong Hunyo simula sa hindi inaasahang 0-0 tabla sa Yemen. Nakabawi sila sa 1-0 panalo sa host Mongolia subalit tuluyang nagpaalam sa bisa ng 4-0 talo sa Palestine.


Hanggang group stage lang din ang inabot ng mga pambato ng bansa sa AFF Under-22, 19 at 16. Inaasahan na ang mga kabataan ang papalit sa mga beteranong Azkals oras na magretiro ang mga ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page