top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Azkals, kagrupo ang Vietnam at Iraq sa FIFA

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 29, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 29, 2023



Habang balot sa labanan ang Philippine Women’s Football National Team sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand, magsisimula na ang lakbay ng Men’s Team patungo sa 2026 FIFA World Cup matapos ang opisyal na bunutan para sa Asian Qualifier Round Two noong Huwebes. Napunta ang Azkals sa Grupo F kasama ang Iraq, Vietnam at ang magwawagi sa Round One playoff sa pagitan ng Brunei at Indonesia.


Nakaiwas ang mga Pinoy sa Round One kung saan may 20 bansa na mababa sa FIFA World Ranking ang ipinares at maglalaro ng dalawang beses ngayong Oktubre at tutuloy ang mas may mataas na ipinagsamang goal. Ang Round Two ay double round robin na iikot sa mga bansa sa darating na Nobyembre at Marso at Hunyo ng susunod na taon o tig-anim na laro bawat koponan.


Ang dalawang may pinakamataas ang kartada ay pasok sa Round Three habang ipagpapatuloy ng mga hindi pinalad ang kampanya upang mapabilang sa 2027 AFC Asian Cup sa Saudi Arabia. Ang 2026 FIFA World Cup ay gaganapin sa Estados Unidos, Canada at Mexico at ito ang unang torneo na lalahukan ng 48 koponan kaya mas malaki ang pag-asa na makalaro ang Azkals.


Kasabay ng bunutan ay ginanap din ang parehong seremonya para sa 2022 Hangzhou Asian Games Football Tournaments sa Setyembre. Hindi lalahok ang Under-23 Azkals subalit lalaban ang Filipinas sa unang kompetisyon pagkatapos ng Women’s World Cup.


Samantala, bilang pagkakaisa sa pambansang koponan sa kanilang malaking tapatan kontra Norway, ipagpapaliban ng Copa Paulino Alcantara at PFF Women’s League ang kanilang mga laro ngayong Linggo. Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang buong komunidad ng Football na sabay-sabay mapanood ang Filipinas ng 3 p.m. bukas Linggo na nagnanais makapasok sa Last 16 kontra sa ika-12 bansa sa FIFA Ranking at kampeon noong 1995.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page