top of page

Ayuda, ibigay sa mga kuwalipikadong benepisyaryong magsasaka

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 16, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 16, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa isinagawang pagdinig ng Department of Agriculture (DA) at mga kalakip nitong ahensya, pinuna ng inyong lingkod na hindi kuwalipikado ang 58,000 na mga naitalang benepisyaryo ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).Batay ito sa ulat ng Commission on Audit (COA) para sa taong 2024. Ayon sa komisyon, hindi mga magsasaka ang mga benepisyaryong ito mula sa pitong rehiyon. Dagdag pa ng komisyon, hindi rin sila rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Laman ng RSBSA ang impormasyon mula sa mga magsasaka, farm laborers, mga mangingisda, at agri-youth. Nagsisilbi itong mekanismo para sa pagtatarget ng mga programa at serbisyo ng mga programa kagaya ng RFFA.


Nakakabahala ito lalo na’t layon ng RFFA na bigyan ng tulong pinansyal ang ating mga maliliit na magsasaka. Batay sa ating pagsusuri, katumbas ng P293 milyon ang halagang ipinamahagi sa 58,000 na mga benepisyaryong hindi naman kuwalipikadong maging bahagi ng programa. Kung naipamahagi lamang sana ng tama ang naturang halaga, humigit-kumulang 58,000 na mga magsasaka sana ang natulungan natin. Sa halip, P293 milyon ang nasayang.


Marami tayong tulong na ipinapaabot sa ating mga magsasaka para sa krudo, fertilizer, seedlings, conditional cash transfer, crop insurance, at iba pa. Ngunit ang hamon sa atin ngayon ay kung paano natin matitiyak na nakakarating ang mga tulong na ito sa mga magsasakang higit na nangangailangan sa kanila.


Kaya naman sa ating naging talakayan kasama ang DA, binigyang-diin natin kung gaano kahalaga ang RSBSA. Iminungkahi natin ang pakikipagtulungan sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang matiyak na wasto ang ating datos. 


Sa ginawa nating pagdinig, pinuna rin ng inyong lingkod na hindi tugma ang datos ng RSBSA at ng PSA. Kung merong 13.5 milyon na mga magsasaka sa RSBSA, meron namang 7.4 milyon sa 2022 Census of Agriculture and Fisheries. Para sa inyong lingkod, hindi lang dapat irehistro ang mga magsasakang benepisyaryo sa RSBSA. Kailangang tiyakin din natin na ang datos sa RSBSA ay nakaugnay din sa ating National ID.


Kaya sa gagawing talakayan ng panukalang pondo ng DA sa plenaryo, aasahan natin na may mga tiyak na hakbang silang gagawin upang tugunan ang isyung ito.


Sa ating mga kababayan, patuloy nating tutukan ang mga talakayan sa panukalang 2026 national budget. Maaari ninyong isumite sa Budget Transparency Portal ng Senado ang inyong mga pagsusuri at mga panukala. Pakikinggan namin ang mga ito upang matiyak natin na magagamit sa tama ang buwis na ating binabayaran.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page