Ayaw ng bantay… SEN. ROBIN, ATRAS MAGING LEADING LADY SI MARIEL
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 23, 2025

Photo: FB Mariel Rodriguez Padilla & Robin Padilla
“Wala po akong pinangarap kundi ang mabalik dito sa opisina ng VIVA,” ito ang pahayag ng aktor-pulitiko na si Sen. Robin Padilla sa naganap na contract signing niya with Viva kasama ang mag-amang Boss Vic at Vincent del Rosario.
Saad ni Sen. Robin, “Siguro ‘yung birthday gift na lang, magpapasalamat na lang ako sa birthday gift kasi ito na ‘yung pinakaregalo dahil wala po akong pinangarap kundi mabalik dito sa opisina ng Viva. Kaya dito po ako masaya, Boss (Vic). Kaya ito na po ‘yung greatest gift, Boss, salamat po.”
Saad naman ni Boss Vic Del Rosario, “Ito naman ang mundo mo, ito’ng mundo mo, and welcome ka parati sa Viva. Anytime. Pati picture mo, nasa harap ko everyday, kaya nagpapasalamat ako na ‘yung ibinilin ko sa ‘yo na ‘wag gagawa ng hindi dapat gawin, ginagawa mo naman, and I’m proud of you.”
Samantala, sa panayam, natanong si Sen. Robin kung si Mariel Rodriguez Padilla ay isa sa magiging leading ladies niya sa movie na gagawin niya.
Sagot ni Sen. Robin na may kasamang biro, “May bantay agad? Ikaw naman. Wala munang bantay. Hindi, busy si Mariel sa mga bata. Katunayan, kagabi, medyo dramatic ‘yung eksena namin kasi meron s’yang tinanggihan na bagong trabaho sana sa isang network dahil concentrated s’ya sa mga bata.
“Sa umaga, naghahatid. Maaga gumising ‘yun, ihahatid sa eskuwela, susunduin n’ya talaga. Nakatutok s’ya. So medyo alam ko na mabigat din sa loob n’ya ‘yun dahil mahal n’ya ‘yung pagho-host. Talagang ‘yun naman. Kaya lang, nanay s’ya.”
Natanong din si Sen. Robin, “Ano ‘yung moments na na-realize ninyo na kailangan mo nang magbago?”
Sagot ni Sen. Robin, “Sa kulungan, Ma’am. S’yempre, ‘pag nasa loob ka na ng selda at ikaw na lang mag-isa, du’n mo mare-realize na, ‘Oops, ‘di puwedeng panindigan ko ‘to. Hindi ako lalaya kaya nag-umpisa akong magpakabait. Hindi ko sinabing mabait ako. Nagpapakabait pa rin dahil hanggang ngayon kasi, struggle ‘yan.”
Hindi rin pinalagpas ang tanong tungkol sa pagiging playboy ni Sen. Robin.
Kuwento ni Sen. Robin na ikinatuwa ng maraming press people, “Alam mo, naku, ‘yang playboy na image, napagbintangan lang ako d’yan. Walang katotohanan ‘yan. Hindi po, kasama lang sa packaging (branding) nu’ng araw. Opo, sa totoo lang, mabait po ako,” sabay tingin sa mga press people at nag-dialogue ng, “Walang naniniwala? Kayo naman, dapat ipinagtatanggol ninyo ako. S’yempre, ‘pag pelikula lalo na ‘pag action, ‘di mawawala ‘yung may leading lady. Kasalanan lahat ni Boss Vic ‘yan.”
Nagtawanan na lang ang mga reporters.
Hirit na tanong, “Bakit nililigawan mo lahat?”
Sagot ni Sen. Robin, “Hindi totoo ‘yan. Publicity lang ‘yan. Itanong ninyo pa kay Tita Baby Gil.”
Napansin ni yours truly na hindi tumatanda si Sen. Robin at talagang guwapo pa rin at maganda ang pangangatawan. Kaya naman tinanong ko kung ano ang kanyang sikreto at bakit tipong hindi siya tumatanda at pabagets nang pabagets.
Sagot ni Sen. Robin, “Siguro po, healthy living. Totoo, naniniwala po ako na kailangan. ‘Di po ako umiinom, ‘di naman po ako naninigarilyo. Ako po, ‘yung yoga ko ay dire-diretso at ako po ay nagpa-fasting. Nag-48 hours po ako. Hindi ko lang magawa ‘yung 76 hanggang 100 hours kasi ‘pag pumasok na ako sa opisina, hindi mo magagawa. Kaya nagagawa ko lang po ‘yun ‘pag Saturday at Sunday. Pagdating ng Monday, ‘di ka na makakapag-fasting kasi ang dami nang problema.”
Dagdag na tanong ni yours truly, “Kasama rin sa pagiging bagets mo ‘yung mga mahal mo sa buhay?”
Sagot ni Sen. Robin, “Ay, s’yempre, s’yempre si Mariel. ‘Yun ang ating ano. Kumbaga, ‘yung energy n’ya iba. Iba ‘yung energy nu’ng tao na ‘yun. Magmula umaga hanggang gabi, nagsasalita ‘yun. Talagang mare-rejuvenate.”
In fairness, effective na pang-rejuvenate si Mariel Rodriguez Padilla. Kitang-kita sa face ng aktor-pulitiko ang pagiging mukhang bata niya.
Happy birthday, Sen. Robin Padilla! Assalamualaikum (peace be upon you).
DINALA ng singer na si Maki ang makulay na mundo ng KOLORCOASTER sa Middle East kung saan nakasama niya ang pop-rock royalty na si Yeng Constantino matapos ang sold-out concert niya sa Araneta Coliseum.
Bumisita si Maki sa Doha, Qatar at Dubai, UAE (United Arab Emirates) at naghatid ng all-out performances ng hit songs tulad ng Dilaw, Kahel na Langit, Namumula, at marami pang iba.
Sa pagbabalik ng Kapamilya singer sa bansa, sinalubong siya ng panibagong achievement matapos manalo ang Dilaw bilang Best Pop Recording sa 2025 Awit
Awards.
Kamakailan ay nagkaroon ng collaboration ang Tarsier Records artist kasama ang American pop duo na Joan para sa extended version ng album track na Turning Green. Sa kasalukuyan, umani ang album ni Maki ng mahigit 465 million streams sa Spotify.
Pakinggan ang makulay na kuwento ng KOLORCOASTER ni Maki na available sa iba’t ibang streaming platforms.
‘Yun lang, and I thank you.








Comments