Ayaw nang maging TV host lang sa GMA-7… WILLIE UMAMING SIYA ANG MAGPAPATAKBO NG TV NETWORK NI VILLAR
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 13, 2022

Kahit wala na sa GMA-7 ang programang Wowowin: Tutok to Win ay itutuloy pa rin ito ni Willie Revillame sa pamamagitan ng Facebook at YouTube live para tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi niya ng tulong sa mga kababayang nangangailangan.
Sa huling airing ng programa ni Willie sa GMA-7 nitong Biyernes ay inamin niyang hindi na talaga siya nag-renew ng kontrata niya na tatagal sana hanggang 2023.
Ang dahilan ng TV host, “Nagdesisyon na po ako (hindi mag-renew ng kontrata sa GMA). Ibig sabihin, hindi ko kayang gawin na magtrabaho sa GMA samantalang gumagawa ako ng programa na makakatapat ng GMA. Hindi ko po gagawin ‘yun, napakalaki ng utang na loob ko sa GMA.
“Matagal na po itong nandito sa akin, hindi ko ito mapirma-pirmahan kasi ho hindi ko pa alam ang desisyon ko sa buhay ko. Ito po ‘yan. Kaya ‘yung mga nagsasabing walang kontrata, huwag ho kayong maniniwala kung kani-kanino, sa akin kayo maniwala. Hindi ko po ito ipinagyayabang, pero ito ay more than a month nasa akin na ito.
“Actually po, ang kontrata, three months before, inaalam na ng kumpanya kung magre-renew ka pa. Nakiusap po ako nu’ng after ng pandemic, 6 months lang ang hiningi ko at ibinigay nila sa akin kasi sabi ko, hindi ko alam. Then after the 6 months, natapos na po ‘yung February, binigyan nila ulit ako ng 1 year (2022) at ito po, binigyan ako, hanggang 2023 po ito. Nakatago lang po sa akin.”
Ikinuwento rin ni Willie kung bakit at paano sila nagkausap ni dating Senador Manny Villar kasama ang anak nitong si Congresswoman Camille Villar na pinuntahan siya sa bahay niya sa Tagaytay City noong Pebrero 2.
“Ito po ang totoo, nag-usap po kami ni (dating) Senator Villar, sabi niya, ‘May frequency, may franchise, puwede na.’
“Sabi ko, ‘Ano po bang plano n’yo?’ Wala pa siyang plano, zero, kasi wala raw siyang alam sa industriyang ito, that’s why kinakausap niya ako. Sabi ko, ‘Mabigat po ‘yan kasi una sa lahat, ano'ng kailangan natin? Maglalabas kayo ng frequency, wala kayong transmitter.
“Wala pong transmitter, eh. ‘Yun po ang nagbibigay ng signal sa buong Pilipinas, so problema po ‘yan.
“Isa pang problem, wala naman tayong concept, wala rin tayong content ng programa magmula sa umaga hanggang madaling-araw, ano'ng ipapalabas? Zero na naman? So, napag-usapan po lahat ‘yan at nagkakuwentuhan tungkol sa ano'ng nangyari.
“At para malaman n’yo lang, wala pa hong plano kasi pinag-aaralan po ng kanyang pamilya (Villars). Pinag-aaralan din ho ng kanyang anak na si Sir Paolo. Kasi nu’ng una po, sabi niya, 'Puwedeng kayo ni Paolo ang mag-usap diyan? Mag-usap kayo kung paano gagawin,” pagtatapat ng TV host.
Ang binabanggit na Paolo na anak ni Ginoong Manny Villar ay ang kasalukuyang president at CEO ng Vista Land and Lifescapes.
Ayon pa kay Willie, “Ang katotohanan po, wala pang plano kasi una, hindi po ganu’n kadaling magbukas ng isang channel sa isang frequency. Sa'n ang studio nila? Saan magso-show? Walang ilaw, walang ganito (complete package of studio). Hindi po ganu’n kadali. It will take time, ‘yan po ang totoo.
“Ngayon, ‘yung sinasabi ninyong may kinakausap kaming artista, may kinakausap na kaming lahat, may sinasabing kinukuha si ganito, hindi po totoo ‘yan.
“Ako po ang makikipag-usap kahit kanino at hindi ko po ‘yan gagawin hanggang wala na ako sa GMA-7. At wala pa kaming usapan kung ano ang deal namin ni Manny Villar.”
At isang araw matapos silang magkausap ni Mr. Villar ay tumawag naman ang GMA executive na si Joey Abacan noong Pebrero 3 para i-follow-up ang kontrata kung napirmahan na niya.
“February 3 po, tumawag na sa akin si Sir Joey Abacan at tinanong na ‘yung kontrata at nag-Zoom meeting kami at naluha at naiyak ako at nasabi ko na hindi na ako makakapirma ng kontrata at nagulat siya!
“Sabi niya (Joey), ‘Ano'ng nangyari, Willie? Wala naman tayong problema? Bakit lilipat ka?’
Sabi ko, 'Hindi ko kayang pumirma sa GMA, tapos nagtatrabaho ako sa ibang channel, hindi ko gagawin sa inyo ‘yun. Kinabukasan, sumulat po ako kay FLG (Felipe L. Gozon).”
Binasa ni Willie sa ere ang sulat niya sa CEO ng GMA dated February 4.
Ang parte ng resignation letter ng Wowowin host, “FLG, nandito po ako ngayon sa sitwasyon ng buhay ko na may magandang opportunity na darating na magiging parte po ako ng isang kumpanya na nandiyan po ako at nandiyan po ang aking kaalaman which is TV broadcasting at entertainment. Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo kaya po ako sumulat para ipaalam sa inyo ang aking pinagdaraanan.
“FLG, sana po, maintindihan ninyo na hindi habambuhay, ako ay haharap sa telebisyon bilang isang TV host. At itong pagkakataon na ito na dumating sa aking buhay ay isang pangarap. It’s a dream para sa isang taong katulad ko na nagsisimula mula sa industriya bilang naging drummer at extra.
“Hating-hati po ang aking damdamin at nararamdaman, FLG. Anuman po ang magiging desisyon ko, hindi ko kayo makakalimutan sa aking buhay.”
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Willie ang big boss ng Kapuso Network dahil pinayuhan siyang huwag munang sumabak sa pulitika dahil hindi pa siya hinog.
Matatandaang inimbitahan ni Presidente Rodrigo Duterte si Willie para kumandidato bilang senador para lumawig ang pagtulong nito sa mga kababayan.
At sa huling araw ng pag-ere ng Wowowin: Tutok to Win ay teary-eyed si Willie habang pinapanood ang mga past episodes ng programa na tumagal nang 6 years and 8 months dahil maraming tao o pamilyang nabago ang buhay dahil sa mga tulong niya.
Siyempre, hindi rin nalimutang pasalamatan ni Willie ang napakarami niyang sponsors na nagagamit din niya para may pantulong sa tao.
“Babalik ako. ‘Yung mga nawalan ng trabaho, ibabalik ko kayo! See you soon. Itong programang Wowowin, ipagdasal n’yong tuluy-tuloy tayo. GMA, I love you. See you," huling sabi ni Willie.





Comments