Ayaw makipagbalikan... 21-anyos, kinatay ng ex-bf

ni Jeff Tumbado @News | August 2, 2026

Photo: File
Patay ang isang 21-anyos na college student matapos pagsasaksakin ng kanyang dating nobyo sa loob ng boarding house sa Brgy. Poblacion, Sibonga, Cebu, Sabado ng umaga.
Ayon kay Police Major Michael G. Calaurian, hepe ng Sibonga Municipal Police Station (SMPS), nagtungo umano ang suspek sa tinutuluyang boarding house ng biktima upang hikayatin itong balikan ang kanilang relasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, iniwan muna ng kapatid ng biktima ang dalawa upang makapag-usap nang pribado.
Gayunman, tumanggi umano ang biktima na makipagbalikan sa suspek.
"Ang suspek, gusto makipagbalikan sa biktima, pero tumanggi siya kaya nagalit ang suspek " ayon kay Calaurian.
Bumalik ang kapatid ng biktima sa boarding house matapos maghanap ng ekstrang susi dahil naka-lock ang silid. Pagpasok nito, nadatnan niyang nakahandusay sa loob ang biktima at ang suspek.
Sa pagresponde ng mga pulis, natagpuan ang biktima na may mga saksak sa leeg at dibdib. Idineklara siyang dead-on-arrival sa lugar ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Samantala, nagtamo rin ng mga saksak sa leeg at dibdib ang suspek, na ayon sa pulisya ay nagtangkang magpatiwakal.
Dinala siya sa Carcar District Hospital bago inihanda ang kanyang paglipat sa isang ospital sa Cebu City kung saan siya isinailalim sa hospital arrest.





Comments