Ayaw irehistro ng Professional Regulatory Board of Real Estate Service (PRBRES) kahit pumasa
sa pagsusulit
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 25, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking kaibigan ay pumasa sa pagsusulit para maging isang lisensyadong real estate broker ngunit ayaw siyang irehistro ng Professional Regulatory Board of Real Estate Service (PRBRES) sa kadahilanang nahatulan na diumano siya sa isang kaso na may kinalaman sa moral turpitude. Tama po ba ito?
Vince
Dear Vince,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong suliranin ay tinatalakay sa Republic Act No. 9646 o Real Estate Service Act of the Philippines. Nabanggit sa Section 18 ng nasabing batas na:
“SEC. 18. Refusal to Register. – The Board shall not register and issue a certificate of registration to any successful examinee who has been convicted by a court of competent jurisdiction of any criminal offense involving moral turpitude or has been found guilty of immoral or dishonorable conduct after investigation by the Board, or has been found to be psychologically unfit.”
Samakatuwid, maaaring tanggihan ng Professional Regulatory Board of Real Estate Service (PRBRES) ang pagrehistro sa isang aplikante kahit pa pumasa ito sa pagsusulit kapag siya ay nahatulan ng hukuman ng pagkakasala na may kasangkot na moral turpitude.
Maaari ring tanggihan ang pagrehistro kung mapag-alaman ng PRBRES, base sa imbestigasyon, na ang aplikante ay napatunayang nagkasala na may kinalaman sa immoral or dishonorable conduct, o napag-alaman na siya ay psychologically unfit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments