Automated election machines, binisita ng Comelec sa South Korea
- BULGAR

- May 29, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 29, 2024

Upang masigurong magiging maayos ang eleksyon sa bansa sa susunod na taon, binisita ng ilang kinatawan ng Commission on Elections (Comelec) at mga citizen election watch group ang electronic election system provider na Miru Systems sa South Korea.
Ayon kay LENTE Executive Director Ona Caritos, kailangang makilala natin kung sino ang provider, gayundin kung ano ang mga proseso na ginagawa nila at gagawin para sa halalan.
Sinabi naman ni PPCRV Co-IT Director William Yu na sa ngayon ang magandang bagay hinggil sa prosesong ito ay sinimulan nilang rebyuhin at bisitahin ang site nang mas maaga habang nagbigay-daan ito upang makagawa sila ng mga komento at pagbabago na maaaring mangyari bago pa magsimula ang manufacturing nito.
Sang-ayon din kay Participate PH Chief of Party Julio Teehankee, dahil dito ay may pag-asa na matugunan o maresolbahan ang ilan sa mga pagkakamaling nagawa o nangyari noong nakaraan.
Magugunita na noong March ay nilagdaan ng Comelec at Miru Systems ang kontrata para sa gaganaping 2025 elections, kung saan sa ilalim nito ay magpo-provide ang naturang Korean firm ng bagong automated counting machines, ballot boxes, consolidation and canvassing systems, ballot paper, ballot verification services at iba pang gamit para sa mahigit 73 milyong botante sa Pilipinas sa eleksyon.
Naniniwala naman ang Comelec at election watch groups na kakayanin ng Miru Systems na ipatupad nang maayos ang automated elections sa ating bansa.
Binigyang-diin din ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na ang machine ay may kakayahang magkaroon ng Direct Recording Electronic para magamit sa overseas voting – dahil mayroong mga additional concept, additional features na hindi nakita sa mga previous machines na ating ginamit sa halalan.
Ibinahagi naman ni NAMFREL National Chairperson Angel Averia, Jr., na ipinaliwanag din dito hanggang sa board level ang circuit board, kaya naman aniya, ito ay kauna-unahan na nangyari sa atin.
Sa parte ng Miru Systems, sinabi nitong magiging epektibo ang automated counting machines para sa darating na eleksyon.
Kaugnay nito, sa Hunyo ay babalik uli roon ang mga taga-Comelec at socio-civic groups para magsagawa ng information dissemination at training sa Filipino community leaders hinggil sa online voting at canvassing.
Mainam ang ginawang ito ng kinauukulan na mas maaga nilang tsini-check at ininspeksyon ang mga machine na ating gagamitin para sa nalalapit na halalan.
Maaga rin kasi nilang malalaman kung may problema sa mga naturang makina bago pa matapos ang pag-manufacture nito. Gayundin, agad nilang mareresolba ang suliranin patungkol dito.
Sana lang ay wala nang maging isyu sa partnership ng bansa sa Korean firm at maipatupad nang maayos ang ating automated elections.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments