top of page

Australia nileksiyunan ang Phl Team sa OAQ

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 31, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 31, 2023




Laro sa Miyerkules - Perth Rectangular Stadium

3:50 p.m. Pilipinas vs. Iran


Tinuruan ng Australia ang Philippine Women's Football National Team ng isang malupit na leksiyon, 8-0, sa pagpapatuloy ng Paris 2024 Olympics Asian Qualifiers Round Two mula sa Optus Stadium Linggo ng hapon. Lumitaw ang kalidad ng host Matildas sa harap ng tinatayang 60,000 tagahanga.


Sa ika-15 minuto pa lang ay naka-goal si Mary Fowler na hudyat ng parating na delubyo.


Nagtala ng bihirang "hat trick" o tig-tatlong goal sina kapitana Sam Kerr (19', 45'+2', 46') at Caitlin Foord (30', 34', 51') at tinuldukan ng isa pa mula kay reserba Clare Wheeler sa ika-71.


Kahit ang mga ipinasok na kapalit ng Pilipinas sa 2nd half ay hindi tumalab. Hindi talaga araw ng mga Filipinas at dominado ng Matildas ang lahat ng numero lalo na ang paghawak nila sa bola ng 73% ng kabuuang 90 minuto.


Susubukan ng Filipinas na isalba ang tiket para sa Round 3 sa Miyerkules laban sa Iran at kailangan nilang manalo ng malaki upang mabawi ang linamang ng Australia. Babalik ang laro sa mas maliit na Perth Rectangular Stadium na kasya ang 20,000.


Ang pagpasok ng mga Pinay ay depende sa magiging resulta sa dalawang iba pang grupo. Ang Round 3 ay kabibilangan ng tatlong numero uno sa mga grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangalawa.


Maglalaro ng hiwalay na serye na pataasan ng goal sa dalawang laro sa Pebrero, 2024.


Ang mga mananaig sa mga serye ang kukuha ng dalawang upuan para sa Asya sa Olympics.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page