top of page

August 30, pagdiriwang ng ‘National Press Freedom Day’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30, 2023
  • 4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 30, 2023


Napakabilis ng panahon dahil noong Abril 13, 2022 nang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang maging isang ganap na batas ang ‘National Press Freedom Day’ na ginugunita tuwing ika-30 ng Agosto.


Naging isang ganap na batas ang matagal na nating pinagsisikapang panukala hinggil sa National Press Freedom Day na buong puso kong ipinagpapasalamat sa liderato ng Senado at kapwa ko mga senador dahil sa buong-buo nilang suporta.


Bilang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 670, or An Act declaring August 30 of Every Year as National Press Freedom Day ay isa ito sa napakaraming panukala na ating isinumite sa mga unang araw na muli tayong mahalal at mabalik sa Senado noong 2019.


Napakarami ng ating panukala na ngayon ay ganap nang batas ngunit masasabi kong higit kong tinutukan ang panukalang ito dahil sa matagal na itong pinupursige ng National Press Club at iba pang media organizations na naging matagumpay naman.


Sa naging tagumpay ng batas na ito ay napatunayan nating marami pa rin ang naniniwala na labis ang kahalagahan ng pamamahayag sa bansa at marapat lamang na magkaroon ng isang araw para gunitain ang kalayaan sa pamamahayag.


Marahil, may ilang nagtatanong kung bakit sa dinami-dami ng araw ay Agosto 30 ang ating ipinaglabang petsa, dahil ang layunin ng ating panukala ay upang alalahanin at pahalagahan ang kaarawan ng ating bayaning si Marcelo H. Del Pilar na itinuturing na ‘Father of Philippine Journalism’.


Ito ay dahil sa itinatag ni Del Pilar noong Hulyo 1, 1882 ang ‘Diariong Tagalog’ kung saan siya ay nakilala bilang si Plaridel na ginagamit niya sa kanyang mga panulat at dito niya binabatikos ang walang habas na pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.


Laman ng naturang pahayagan ang lahat ng kalupitang dinaranas ng marami nating Kababayan at hindi nagsawa si Del Pilar sa pagsusulat dahil sa pag-asang isang araw ay makakamit natin ang ating kalayaan sa kuko ng mga mapang-aping naghaharing-uri ng mga panahong iyon.


Naobligang tumakas si Del Pilar patungong Espanya noong taong 1888 dahil hindi na siya tinantanan ng mga Kastila na patuloy siyang inuusig dahil sa walang takot niyang pagbubunyag sa hindi nila makataong gawain at sa Espanya ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsusulat.


Pinangunahan niya sa Espanya ang samahang pampulitika na La Asociacion Hispano-Filipino (Ang Samahang Kastila-Pilipino) noong Enero 12, 1889, isang samahang pambayan na binubuo ng mga Pilipinong propagandista at mga kakamping Kastila sa Madrid upang manawagan ng pagbabago sa Pilipinas.


Binili ni Del Pilar noong Disyembre 15, 1889 kay Lopez Jeana ang ‘La Solidaridad’ at siya ang naging patnugot at humaliling editor mula 1889 hanggang 1895 — isang pampulitikang pahayagan na inilalathala minsan tuwing ikalawang linggo na siyang nagsilbing tinig ng kilos propaganda na nagbunyag sa kalagayan ng bansa.


Unti-unti ay naubos ang kabuhayan ni Del Pilar dahil sa paglalathala ng La Solidaridad at umabot siya sa puntong hindi na siya nakakakain nang sapat at maging ang kanyang pagtulog ay hindi na niya magawa dahil sa labis na pagpupursigeng mailathala ang mga katiwalian sa bansa.


Upang makaiwas sa nararamdamang gutom ay namumulot na lamang ito ng nahithit ng sigarilyo sa daan at ang pondo para sa paglilimbag ng pahayagan ay tuluyan nang naubos at wala na ring tulong pinansyal na dumarating mula sa Pilipinas.


Dahil dito ay tuluyan nang nahinto ang paglilimbag ng naturang pahayagan noong Nobyembre 15, 1895 ngunit hindi ito naging balakid para tumigil sa pagsusulat si Del Pilar dahil humanap pa rin ito ng paraan para sa hangad niyang kalayaan ng inang bayan.


Binawian ng buhay si Del Pilar sa gitna ng pighati dahil sa sakit na tuberculosis sa isang maliit na pagamutan sa Barcelona, Espanya noong Hulyo 4, 1896 sa edad na 46 lamang at sadyang tinalikuran nito ang dapat ay marangya niyang pamumuhay para sa bayang sinilangan.


Hindi rin matatawaran ang naging ambag ni Del Pilar para ipagtanggol ang mga panulat ni Dr. Jose Rizal, tulad ng Noli Me Tangere na isa rin sa rason kaya nag-init nang husto ang mga Kastila at naging dahilan para tugisin siya ng mga ito kaya siya napadpad sa Espanya.


Kaya marapat lamang na gunitain natin ang National Press Freedom Day sa araw ng kanyang kaarawan upang maalala natin si Plaridel ang ‘Dakilang Propagandista’ na ginugol ang halos buong buhay niya sa pagsusulat lamang.


Si Del Pilar ay ipinanganak noong Agosto 30, 1850, na Marcelo Hilarion del Pilar y Gatmaitan sa Cupang, San Nicolas, Bulacan ng mag-asawang Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Dona Blasa Gatmaitan na kapwa nagmula sa mayamang angkan.


Bunso si Del Pilar sa 10 magkakapatid na unang nag-aral sa Colegio de San Jose at nagpatuloy sa University of Santo Tomas, at taong 1880 siya nagtapos sa kursong abogasya.


Bukod sa pagiging matalino ay tumutugtog din ito ng iba’t ibang instrumento at mahusay ding kumanta ngunit isinaisantabi niya ang lahat ng ito para sa kanyang mga Kababayan.


Maligayang araw ng malayang pamamahayag!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page